

SENIOR CARE
Pag-aalaga ng aso nakakahaba ng buhay?

10/7/24, 2:29 AM
Mahilig ka ba sa aso?
Kung oo, alam mo bang ang pag-aalaga ng fur babies ay maaaring makapagpahaba ng buhay, ayon sa mga pag-aaral?
Ayon sa isang artikulong inilathala ng American Heart Association, may pag-aaral na nagsasabing mas mababa ng 31% ang tsansa ng pagkamatay dahil sa sakit sa puso ng mga taong nag-aalaga ng aso kumpara sa mga hindi.
Bukod dito, ang nakararanas ng mga problema sa puso at nagpasiyang mag-ampon ng aso ay nakaranas ng kahanga-hangang 65% na pagbawas sa kanilang risk.
Higit pa sa kalusugan ng puso, ang mga aso ay maaaring makatulong sa paglaban sa diabetes.
Paliwanag ng mga eksperto, mas physically fit ang mga nag-aalaga ng aso dahil mas naeengganyo maglakad ang mga ito kumpara sa walang fur baby.
Mas malaki ng 34% ang posibilidad ng mga dog parents na maabot ang inirerekomendang 150 minutong paglalakad bawat linggo kumpara sa mga hindi nag-aalaga ng aso.
Bukod sa mga benepisyo sa pisikal na kalusugan, may mahalagang papel din ang mga aso sa mental health.
Nakababawas umano ng stress hormones ang pakikipag-ugnayan sa mga alagang aso sa pamamagitan man ng paghaplos, pagtingin, pakikinig, o pakikipag-usap.
Nagdudulot din ito ng positibong damdamin sa tao.
Ang simpleng paghaplos sa isang aso ay maaaring magpababa ng presyon ng dugo at mag-ambag sa mas malusog na pamumuhay, ayon pa sa mga eksperto.
Bukod pa rito, nakakatulong ang mga aso sa pagpapalakas ng mga social interaction, na nagpapabawas ng pag-iisa at pagkamahiyain.
