

SENIOR CARE
Naghahanap ng assisted living facility pang-senior citizen?: Mga dapat ikonsidera

4/15/25, 8:54 AM
Ni Samantha Faith Flores
Malayo ang pag-uugali ng mga Pilipino kumpara sa ibang mga banyaga kung ang pag-aalaga sa mga kapamilyang nangangailangan ng tulong ang pag-uusapan. Hindi katulad ng mga pamilya sa Amerika, Europa at ilan bayan sa Asya, mahalaga sa mga Pinoy na makasama ang nakatatandang ka-pamilya hanggang sa huling hininga ng senior.
Ngunit hindi inaasahan ng mga ekperto na magpapatuloy ang ganitong sistemang pampamilya lalo pa’t tumatanda na ang lipunan. Nalalapit na rin umano ang panahon na ang pag-aalaga sa mga lolo’t lola, kahit pa hindi nangangailangan ng ispesyal na pag-aaruga, ay ipagkakatiwala sa mga institusyon na katulad ng mga assisted living facility.
Para sa mga health experts, makabubuting malaman na ng mga pamilya ng senior citizens ang mabuting panuntunan sa pagpili ng tamang assisted living facility para sa minamahal na lolo’t lola.
Narito ang iba’t-ibang uri ng care residences para sa matagalan pananatili ng senior citizen:
1. ASSISTED LIVING FACILITIES - Para ito sa mga nakatatandang malalakas pa ngunit nangangailangan ng tulong sa ilang aspeto ng pamumuhay katulad ng pagluluto, pag-aayos ng mga kinakailangan gamit; paglilinis, transportasyon at pamamahala ng kalusugan ang paggagamot
2. Nursing homes - mga lisensyadong establisimyento na may mataas na antas ng pagbibigay ng araw-araw na pag-aaruga at tulong medikal.
3. RETIREMENT COMMUNITIES - mga lugar na nagbibigay ng kalayaan sa mga seniors upang mamuhay mag-isa ngunit inaalalayan ng mga may kaalaman sa nursing at caregiving.
Kapag napili na kung anong klaseng residence ang kakailanganin ng senior citizen, maaari nang timbangin ang mga dapat ikonsidera sa pagpili ng angkop na assisted living facility.
1. HALAGA NG GASTUSIN. Ikumpara ang mga pasilidad at aspeto ng pangangalaga sa senior citizen. Isunod na alamin ang halaga at ikumpara ang mga ito sa iba pang mga lugar.
2. LAWAK NG LUGAR NA TITIRHAN AT MGA INO-OFFER NA AMENITIES. Kailangan ng mga senior citizen ng higit na malaking lugar na pagkikilusan. Bukod dito dapat din silang maging komportable at nakakaranas ng mga paglilibangan.
3. ANTAS NG NURSING CARE AT ALALAY PARA SA SENIOR . Maaaring sumangguni sa doktor ni lolo at lola kung anong antas ng nursing care ang kakailanganin. Alamin din kung matulungin, efficient at mababait ang mga staff ng facility.
4. KALIGTASAN AT KATAHIMIKAN - Alamin kung may sapat na fire exit, fire escape at iba pang lagusan sakaling magkaroon ng sunog, lindol at iba pang emergency situation. Ligtas din dapat sa mga manloloob at well-secured ang mga pintuan at gate.
5. KALINISAN AT BENTILASYON - Magmasid mabuti kung malinis ang lugar, walang mga malalansa at iba pang hindi kanais-nais na amoy. Mamili ng lugar na may maayos ngunit ligtas na bentilasyon. Maging maselan sa mga insektong nakapagdudulot ng karamdaman.
6. HEALTH AT SAFETY PROTOCOLS - Alamin ang mga health at safety protocols. Dapat ligtas ang senior citizen sa pagkahulog, mga nakakadulot ng impeksyon at sa paglalagalag (para sa mga may dementia).
7. LEISURE, RECREATION AT EHERSISYO - Itanong kung may sapat na mga gawain dibersyon at mga gawaing nakapagpapatanggal ng kalungkutan. Mahalagang makapag-ehersisyo ang nasa mga pasilidad.
8. PAGKAIN - Mahalagang malaman kung masarap at malusog ang ipakakain, gaano kadalas at paano isisilbi. Makabubuting tumikim din.
9. LAYO AT PANAHON NG DALAW - Mamili ng lugar na madali ninyong puntahan bilang pamilya at may iskedyul ng dalaw na tatapat sa inyong pansariling oras.