

SENIOR CARE
Los Angeles pinasasaya, pinamamangha ng 71-anyos na pole dancer

10/18/24, 10:25 AM
Hindi lamang sumasaya, kundi namamangngha rin ang mga bar hoppers sa Los Angeles sa ipinamamalas ni Mary Serritella na husay halos gabi-gabi sa stage ng Bourbon Room sa Hollywood.
Habang ang mga batang pole dancer ay nakikitaan agad ng pagkapagod at panghihina sa mahihirap na ehersisyo, hindi naman iniinda ni Mary ang kanyang pagsasayaw sa metal na poste.
Kadalasan costume nito ang seven-inch neon heels at dilaw na bell-bottom pants sa pag-perform ng kanyang routine sa entablado.
Kapag pumasok na siya, naghihiyawan at todo ang palakpak ng mga manonood dahil alam nilang mamamangha na naman sila at mag-eenjoy sa sayaw ng lola.
Saliw ng disco medley, kumakapit si Mary sa pole atsaka umiikot ng mabilis na tila ayaw nang bumaba sa lupa.
Marami sa mga audience ang nagugulat sa lakas ni Serritella sapagkat batid nilang septuagenarian na ito.
Inaabangan ang kanyang mga kagila-gilalas na pole dance na kilala sa tawag na “The Chopstick”, “The Jade Split” at “The Black Sun Split.”
Kakaiba sa lahat ang Black Sun dahil dito iniipit ni Mary ang pole sa pamamagitan lamang ng tiyan at hita atsaka siya bumabaligtad upang abutin ng bawat kamay ang mga paa.
Minsan parang walang buto dahil sa lambot ng katawan at minsan naman parang sobrang tibay ng mga buto dahil sa lakas ng kapit sa pole.
Ayon sa mga nagsulat na ng mga natunghayang ginagawa ni Mary, si Seritella ay hindi nagpapakita ng tunay na edad niyan dahil sa mga ginagawang performance.
Ngunit lingid sa karamihan, nakararamdam na rin siya ng mga karamdaman at sakit ng katawan na dala ng pagtanda.
Madalas din siya atakihin ng arthritis at kailan lamang ay sumailalim si Mary sa hip replacement.
Nagsimulang mag-pole dancing si Mary noong 2010 sa edad na 57. SA simula ay umaayaw siya ngunit hinamon nito ang sarili na magpakagaling sa mga exercises.
Ayon sa kanya, naging inspirasyon niya ang mga instructors niya sa pole dancing sapagkat hindi nila ito pinagsawaang turuan.
