

SENIOR CARE
Dalawang seniors na nais maging senador nangangamoy nuisance candidates?

10/2/24, 11:22 AM
Kakandidato bilang senador sa 2025 eleksyon ang isang senior citizen na magbabalik ng PHP800 quadrillion na ninakaw umano ng Marcos family at isang 70-anyos na Skyway traffic enforcer na walang siguradong plataporma.
Ang mga senior citizen ay dalawa sa 20 aspirante bilang senador na naghain ng kani-kanilang certificate of candidacy sa una at ikawalang araw ng pagbukas ng filing of candidacy para sa darating na halalan.
Kasama rin sa mga nag-file ng COC sina Senators Francis Tolentino at Lito Lapid, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto at si dating Sen. Panfilo Lacson.
Ang incumbent na Agri Partylist Rep. Wilbert Lee ay naghain din ng kanyang COC.
Umabot naman sa 42 partylist groups ang hindi na pinayagang tumakbo pa sa 2025 dahil sa pagkabigo nilang manalo ng kahit isang pwesto sa Kamara sa loob ng dalawang nakaraang congressional elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia matumal ang dating ng mga kakandidato sa unang dalawang araw ng paghain ng COC ngunit asahan daw na dadagsa ang mga kandidato sa darating na mga araw.
Humarap sa news media si Eric Negapatan, isang senior citizen, at nangakong ibabalik niya sa mga Pilipino ang umanoy Marcos wealth na nakatago sa London, England.
Aabot umano sa PHP800 quadrillion ang kaya niyang maisoli sa kaban ng bayan.
“Wala nang bibili ng bigas. Wala nang bibili ng tubig. Wala nang magbabayad ng kuryente,” buong pagmamalaking sinabi ni Negapatan.
Apat na ulit na din nag-file ng COC si Victoriano Inte, isang Skyway traffic enforcer na nangangarap maging senador.
Ayon sa kanya lagi naman siyang dinedeklarang nuisance candidate ng Comelec bilang kandidato sa pagka senador dahil “hindi daw ako kilala.”
