top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

SENIOR CARE

Chinese senior citizen pamamanahan ng P159-M yaman mga alagang hayop

1/29/24, 2:20 AM

Ni MJ Blancaflor

Isang matandang babae sa China ang nagpasyang iwan ang lahat ng kanyang kayamanan na nagkakahalaga ng 20 milyong yuan — o katumbas ng P159 milyon sa Pilipinas — sa kanyang mga aso't pusa sa halip na sa kanyang mga anak na hindi umano siya binisita habang siya'y may sakit.

Kinilala ang babae bilang "Liu" mula sa Shanghai, China.

Ayon sa ulat ng South China Morning Post, plano sana ni Liu na ipamana sa kanyang tatlong anak ang lahat ng kanyang salapi at ari-arian.

Pero nagbago raw ang isip nito nang hindi siya bisitahin o alagaan ng kanyang mga anak nang siya ay nagkasakit.

Tanging ang mga pusa't aso lang ang nakasama ni Liu noong nahihirapan siya, sabi pa sa ulat.

Dala marahil ng sama ng loob, nirebisa ni Liu ang kanyang will and testament upang iwanan sa kanyang mga alagang hayop ang lahat ng kanyang mga pag-aari.

Ayon sa ulat, itinalaga ni Liu ang isang veterinary clinic bilang tagapamahala ng kanyang kayamanan at tagapangalaga ng kanyang mga aso't pusa kapag siya ay yumao na.

Isang opisyal ng Will Registration Center sa Beijing ang nagsabing hindi raw legal sa China ang desisyon ni Liu.

Inirerekomenda raw nila sa babae na magtalaga ng isang taong mapagkakatiwalaan upang bantayan ang vet clinic at siguruhing maayos na naaalagaan ang mga alagang hayop.

Isang opisyal naman ang nagsabing batid ni Liu ang mga panganib na idudulot ng kanyang desisyon, lalo na sa pagtatalaga sa vet clinic bilang tagapamahala ng iiwan niyang yaman.

Hindi na bago sa China ang mga ganitong kaso.

Matatandaang pinag-usapan din sa social media kamakailan ang will ng isang lalaki sa China na iniwanan ang kanyang kayamanan na nagkakahalaga ng 3.3 million yuan (P26 milyon) sa isang tindero ng prutas sa halip na sa mga kamag-anak nito.

Kinwestyon ng mga kamag-anak ng lalaki ang nasabing will, pero noong Disyembre 2023, ibinasura ng korte ang kanilang petisyon at sinabing valid ang dokumento.

Photo from pinterest.com

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page