

SENIOR CARE
80 anyos na modelong Koreana, ginulat ang mundo sa pagsali si Miss Universe

10/1/24, 7:48 AM
Nabigo man masungkit ang korona ng Miss Universe-Korea, nagtala naman ang isang 81-anyos na retiradong model ng record bilang pinakamatandang kalahok sa kasaysayan ng nasabing patimpalak ng kagandahan.
Nakapasok bilang finalist ng kumpetisyon si Choi Soon-hwa ngunit naungusan siya nang naideklarang Miss Universe-Korea na si Han Ariel, 22.
Isang estudyante sa fashion school si Han at ibabandera niya ang bandila ng bansa sa Miss Universe pageant sa darating na Nobyembre sa Mexico City.
Matalino, maganda at bata si Han kumpara kay Choi ngunit wala itong ibinuga sa pagdadala ng kasuotan na ipinamalas ng matanda.
Si Choi ang itinanghal na best dresser ng beauty pageant na nilahukan ng 31 iba pang mga contestants.
“Bagamat malayo ang edad ko sa mga nakalaban, naglakas loob pa rin ako sa oportunidad na tanggapin ang hamon ng Miss Universe,” sinabi ni Choi sa mga mamamahayag sa kumpetisyon na isinagawa noong Lunes (Setyembre 30).
“Nais kong tingnan ako ng mga tao at mapagtanto ninla na maaari kang mabuhay ng malusog at masaya kung makikita mo lamang ang nais mong gawin at hamunin ang sarili upang matupad ang matagal nang pangarap” dagdag pa ni Lola Choi.
Nagpakita ng talento si Choi sa kantahan at ipinamalas din niya ang husay sa pagmomodelo at pagdadala ng mga damit, kasama ang national costume.
Higit na matanda si Choi sa pamosong patimpalak na nagsimulang itanghal taon-taon noong 1952.
Simula noong 1952, pinapayagan lang sumali sa patimpalak ang mga babaeng may edad na 18 hanggang 28.
Simula 2024, tinanggal na ng organizers ang age limit at ang pag-ban sa mga babaeng buntis, may anak na at nagkaroon na ng asawa.
