top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

SENIOR CARE

2024 US presidential elections, labanan ng mga ulyanin?

2/11/24, 1:52 AM

Pinakamatanda na sa kasaysayan ng United States ang mga maglalaban bilang pangulo sa darating na Nobyembre at ang magiging isyu ng halalan ay ang talas ng pagiisip at sigla ng pangangatawan ng magkatunggali.

Tumindi ang batuhan ng akusasyon ng pagiging ulyanin ang kampo ni kasalukuyang Presidente Joe Biden, 81 at dating Presidente Donald Trump, 77.

Tila no choice ang mga Amerikano kundi mamili sa dalawa kung sino ang higit na karapat-dapat sapagkat sila ang tinatayang magiging nominado ng kani-kanilang partido. Si Biden ay isang Democrat samantalang si Trump naman ay Republican.

Habang dumarami ang lumulutang na balitang inaabutan na ng Alzheimer’s si Biden, inakusahan naman ng kampo ng pangulo na si Trump ang tunay na may mahinang memorya.

Si Trump sa ngayon ay hinahamon pa ni Nikki Haley bilang Republican presidential nominee. Siya ay dating US Ambassador sa United Nations sa panahon ni Trump at dating governor ng South Carolina mula 2011-2017.

Subalit kung hindi ma-disqualify si Trump dahil sa mga kasong kinahaharap nito, hindi inaasahang makuha ni Haley ang Republican nomination dahil mataas pa rin ang popularidad ng kontrobersiyal na dating pangulo sa kanilang partido.

Bagamat humaharap sa mga kontrobersiyal na kaso, nananatiling mataas ang popularidad ni Trump hindi lamang sa mga kapwa Republican, kundi sa maraming mga puting Amerikano.

Naging pala-away at kontrobersiyal ang kanyang pamamahala noong siya ay pangulo ngunit tila marami pa rin ang natuwa sa kanya.

May posibilidad na ang kanyang mga kaso ang pumigil sa pagsubok niyang makabalik sa White House.

Matatandaang pinatanggal ng Colorado Supreme Court ang pangalan ni trump sa primary ballot dahil umano sa kanyang papel sa insurrection nang magkagulo sa Capitol noong Enero 16, 2021. Ang kaso ay inapela sa Korte Suprema ng US.

Noong isang linggo, tinuligsa ni Trump si Biden dahil sa umanong pagiging ulyanin ng huli.

Ang mga may ganitong kapasidad ng pag-iisip ay walang puwang upang mamuno ng Amerika, higit pa dahil sa ito na ang pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig, ayon sa kanya.

Minamaliit ni Trump ang kakayahan ni Biden na mabigyan pa ng dagdag na apat na taon bilang pangulo.

Kamakailan lamang, pinalusot ni Special Counsel Robert Hur si Biden sa kriminal na prosekusyon tungkol sa maling paghawak ng mga ‘classified documents” dahil naging matulungin ang tanggapan ng pangulo sa imbestigasyon.

Subalit nasaktan ang kampo ni Biden dahil pinitik ni Hur ang pangulo nang ilarawan niya ito na “well-meaning, elderly man with a poor memory”.

Ikinatuwa naman ito ni Trump na dinalasan ang pagtuligsa sa umano’y pagkaulyanin na ng kanyang katunggali.

Si Trump man ay napagtawanan nang tinawag nitong Nancy Pelosi, ang dating speaker ng US House of Representatives, ang katunggaling si Haley.

Photo from pinterest.com

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page