LAW AND ORDER
Novaliches holdap: Belmonte nilinaw na birthday package hindi hinahatid sa senior celebrators

4/11/26, 12:00 PM
Joyce Sabado
Hindi inihahatid kundi dapat kolektahin ng mga senior citizens na nagdiriwang ng kanilang kaarawan ang regalo sa kanila ng pamahalaang lungsod ng Quezon City.
Ito ang nilinaw ng QC government matapos maholdap ang isang 69-anyos na lola at dalawang apo nito noong Martes (Abril 7) sa Novaliches.
Mahigit PhP1 milyon umano ang nilimas ng mga holdaper mula sa tahanan ng maglolola matapos papasukin ng matanda ang dalawang babae na nag-aalok ng birthday cake para sa senior.
Ayon sa pahayag ng tanggapan ni Mayor Joy Belmonte, ang grocery basket para sa may-birthday ay ipinadadaan sa barangay kung saan ito dapat kolektayin ng may kaarawan.
Ipinaliwanag pa ng lokal na pamahalaan na wala itong ipinadadalang birthday cake.
Ayon naman kay Lt. Dave Anthony Capurcos, hepe ng Quezon City Police Department Station 4, naging biktima ang 69-anyos na lola na inalukan ng birthday cake ng dalawang babae.
Nang papasukin ang mga suspek sa bahay ng biktima, agad itong nagdeklara ng holdup atsaka pinapasok ang ilang lalaki na kanilang mga kasabwat. Matagal umano na naghalughog ng mananakaw ang mga suspek bago tumakas sakay ng get-away vehicles.
Nakolekta ng awtoridad ang mga CCTV footages na nagpapakita ng naging ruta ng mga holdaper.
