LAW AND ORDER
Kalma lang sa giyera sa Middle East — AFP

3/7/26, 8:53 AM
Ni Tracy Cabrera
KAMPO AGUINALDO, Lungsod Quezon — Habang pinangangambahang na Tata gal ang digmaan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos, ang naging mensahe sa publiko ng Sandatahang Lakas, o Armed Forces of the Philippines (AFP) ay maging kalmado kang sa banta ng pagsalakay mula sa Tehran at mga kaalyado nito.
Ayon sa pamunuan ng AFP, walang dapat kabahala ang bansa dahil hindi naman kayang umabot sa Pilipinas ang mga missile o drone ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran.
Tuluyang pinawi ng ating militar ang pangamba kaugnay sa kumakalat na haka-hakang posibleng target-in ng Iran ang Pilipinas, partikular na ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site.
Ayon sa AFP, walang anomang credible threat o intelihensiyang impormasyon na nagsasabing may bantang pag-atake laban sa ating bansa at iginiit pa ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea na si Admiral Roy Vincent Trinidad na ang sigalot sa Gitnang Silangan ay isang regional conflict at walang direktang kinalaman ang ating bansa rito.
Ipinaliwanag ni Trinidad na ang pinakamalakas na missile system ng IRGC ay may abot lamang na humigit-kumulang 2,000 kilometro, samantalang nasa tinatayang 7,500 kilometro ang layo ng Pilipinas mula Iran. Dahil dito, malinaw aniyang walang kakayahan ang naturang armas na maabot ang teritoryo ng bansa.
Gayun man, muling nagbabala ang AFP laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon na naglalayong maghasik ng takot at makasira sa pambansang pagkakaisa.
Binigyang-diin nito na ang kooperasyon sa ilalim ng EDCA ay nakatuon sa humanitarian assistance, disaster response, interoperability training, at pagpapalakas ng depensang panteritoryo.
Sinang-ayunan ito ng foreign policy expert na si Renato de Castro ng De La Salle University na tinukoy na masyadong malayo ang Pilipinas upang tamaan ng missile mula Iran.
Dagdag pa ni De Castro, wala ring proxy state o non-state actor ang Iran sa bahaging ito ng mundo na maaaring magdulot ng agarang banta sa Pilipinas. Ang mga kumakalat na pahayag sa social media, aniya, ay walang sapat na batayan at hindi dapat agad paniwalaan.
Nauna nang umikot online ang espekulasyon na maaaring madawit ang ilang EDCA sites sa bansa sa sigalot ng Estados Unidos, Israel, at Iran. Kabilang sa mga pasilidad ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Benito Ebuen Air Base sa Cebu, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at Lumbia Airport sa Cagayan de Oro.
