LAW AND ORDER
Isa sa 2 suspek sa pagpaslang ng bodyguard ni Isko Moreno sumuko na

3/17/26, 1:17 PM
Ni Ralph Cedric Edralin
Sumuko na sa awtoridad ang rider na nagmaneho ng motorsiklong sinakyan ng lalaking pumatay sa isan security escort ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Sa kanyang salaysay kay Moreno, inamin ni alyas “Biboy” na siya ang nagmaneho ng motorsiklong sinakyan ng gunman na bumaril kay George Capistrano, isang dating pulis Maynila na nagsilbing security aide ni Moreno.
Itinuro nito ang isang Albert Magdaraog na umanoy bumaril kay Capistrano na hinabol at hinarang nila malapit sa bahay ng biktima sa corner Salonga at Buendia, Barangay 134, Balut, Tondo noong Marso 15.
Sumuko si Biboy matapos mag-alok si Moreno ng PhP500,000 kung makikipagtulungan siya sa awtoridad sa loob ng 48 oras matapos ang krimen. Siniguro rin ng alkalde ang proteksyon para sa driver sa ilalim ng Witness Protection and Benefit Act.
Bagamat inamin ni Biboy na kasama siya sa pagpaslang kay Capistrano, ipinilit niya na hindi niya alam na may masamang balak si Magdaraog sa biktima.
Hindi maipaliwanag nito kung ano ang motibo sa likod ng paspaslang kay Capistrano.
Subalit nagsabi ito na may ginawa ang mga pulis laban sa kanya na “hindi naman makatarungan.”
Kumpiyansa si Moreno na mahuhuli na rin ang gunman kung kaya binalaan niya ito na sumuko na lamang sa mga pulis.
Malapit na kaibigan ng punong lungsod si Capistrano.
