LAW AND ORDER
Gunman sa pagpaslang sa security aide ni Mayor Isko arestado na

Photo from PhilStar Global
3/25/26, 9:45 AM
Samantha Faith Flores
Arestado na ng pulisya ang suspek sa pagpatay ng retiradong pulis Maynila na naging isang security aide ni Manila Mayor Isko Moreno.
Iniharap ng Manila Police District kay Moreno si alyas Albert, 27, na itinurong gunman sa pagpatay kay George Capistrano sa Balut, Tondo noong Marso 15.
Inamin ni Albert na isang robber-holdup ang nangyari noong gabing iyon. Nakunan ng CCTV ang buong pangyayari.
Kinumpirma ni Liegem Bullacao Young, rider ng motorsiklong sinakyan ng suspek, na si Albert nga ang gunman na nakasama niya sa insidente.
Sinabi ni Moreno na dahil sa pagkaka-aresto sa dalawang suspek, case closed na ang krimen.
Inihanda na ang mga kasong kriminal na isasampa sa dalawang suspek.
“Ngayon, masasabi nating nabigyan ng hustisya ang pamilya ni Capistrano,” sinabi ni Morena sa kanyang lingguhang Facebook livestream na “Talk to the People.”
Ayon kay Moreno nadakip si Albert sa White Diamond Inn sa San Pedro, Laguna madaling araw ng Miyerkules (Maso 25).
“Paikot-ikot sa Nueva Ecija, sa Cabanatuan, sa Arayat (Pampanga), pati sa San Mateo - kung saan-saan po ito nagpunta,” ibinalita ng punong lungsod.
inaresto rin si Cristina Anduyan, 23, na siya umanong nagtakas kay Albert. Kasong obstruction of justice ang ihaharap sa kanya.
Ayon kay Albert dalawang beses niya pinaputukan ng baril si Capistrano nang manlaban ang biktima.
