FAITH AND RELIGION
INC dismayado sa kilos pagong na pagpapanagot sa mga sangkot sa flood control scam

Photo from manilastandard.net
2/28/26, 9:00 AM
Ni Annietha Fae Mar
Dismayado ang mga namumuno ng Iglesia Ni Cristo sa tila mabagal na pagkilos ng administrasyong Marcos na maiharap sa hustisya ang mga nasa likod ng bilyon-bilyong pisong flood control projects scam.
Ayon kay INC spokesperson Bro. Edwil Zabala, tatlong buwan matapos ang malawakang rally na “Transparency, Accountability and Peace” na isinagawa ng mga kasapi ng sekta, wala pa rin maipakitang resulta ang pamahalaan upang mapanagot ang mastermind at mga kakutsaba sa pangungulimbat ng pondo ng pamahalaan.
Sa programang “Sa Ganang Mamamayan” ng INC-owned NET25, sinabi ni Zabala na patuloy na naghihintay ang pamunuan at mga kasapi ng Iglesia ng pagtugon ng Marcos administration sa kanilang hinaing.
“Mahigit tatlong buwan na ang lumipas subalit wala pa ring natatanaw ang mga mamamayan na kalutasan sa napakalaking pangungulimbat sa kaban ng bayan,” diin ni Zabala.
Nagtataka si Zabala na kung bakit ang mga saksi na nagbibigay ng testimonya upang matukoy ang mga salarin ay sila pa ang kinakasuhan at tila ginigipit.
Samantala, hindi man lang mapanagot ng gobyerno ang mga tinukoy na suspek.
“Sa halip na mga salarin ang hanapin at usigin, ay ang mga nagbibigay ng impormasyon at tumetestigo laban sa kanila ang kinakasuhan at ginigipit,” pag-aalala niya.
Hindi rin maunawaan ni Zabala ang naging pagtrato ng pamahalaan sa 18 ex-marines na umanoy nag-deliver ng male-maletang pera sa iba’t-ibang personalidad na sangkot sa malawakang flood control scam. Kasama umano si Pangulong Marcos sa hinatiran ng maleta.
“Ngayong may mga lumalabas na pahayag mula sa mga sangkot, kabilang ang umano’y nagpadala ng male-maletang pera, at kamakailan laman ay pinatunayan iyan ng mga dating sundalo na umaming sila ang naghatid ng mga ito. Bakit tila walang malinaw na hakbang upang palawakin pa at tapusin ang imbestigasyon/“ ayon kay Zabala.
