

FAITH AND RELIGION
Archbishop Garcera ng Lipa, hahalili kay Cardinal David bilang pangulo ng CBCP

7/7/25, 9:15 AM
Ni Samantha Fae Flores
Inihalal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines si Archbishop Gilbert Garcera ng Lipa bilang susunod na pangulo ng organisasyon ng mg lider ng simbahan Katoliko sa bansa.
Isinagawa ang halalan sa unang araw ng ika-130 plenaryong pulong sa Anda, Bohol nitong Sabado (July 5).
Ang 66-anyos na si Garcera ay kasalukuyang kinatawan ng rehiyon ng Southeast Luzon sa CBCP Permanent Council.
Hahalili siya kay Cardinal Pablo Virgilio David ng Kalookan na umupo bilang pangulo simula noong Hulyo 2021.
Tatapusin ni David ang kanyang ikalawa at huling termino bilang CBCP president sa darating na Nobyembre.
Magkakaroon ng dalawang taon bilang pangulo si Garcera. May posibilidad na mabigyan siya ng pinal na dalawang termino o dagdag na dalawang taon na pinapayagan ayon sa regulasyon ng organisasyon.
Si Garcera ay arsobispo ng LIpa simula noong 2017. May higit na 3.3 milyong Katoliko ang nasa diyosesis sa Batangas.
Dati siyang tapapangulo ng CBCP Commission on Mission and Commmission on Family and Life.
Bago maging obispo, naging asst. secretary general si Garcera ng CBCP, executive secretary ng Episcopal Commission on Mission at national director ng Pontifical Mission Society.
Na-ordinahan siyang pari para sa Archdiocese ng Caceres noong 1983. Noong 2007, itinalaga siyang obispo ng Daet na kanyang ginampanan hanggang sa mailipat siya sa LIpa.
Bukod kay Garcera, ibinoto rin ng CBCP si Archbishop Julius Tonel ng Zamboanga bilang bise presidente.
Ang 68-anyos na si Tonel ay hahalili kay Bishop Mylo Hubert Vergara ng Pasig.
Dating chairman ng CBCP Commission on Liturgy si Tonel. Kasalukuyan siyang pinuno ng CBCP Committee on Bishops Concern.
Ang mga bagong halal na opisyal ng CBCP Permanent Council ay opisyal na gaganap sa kanilang tungkulin sa darating na Disyembre 1, 2025.