SCIENCE AND MEDICINE
PhilHealth: 75 na ang libreng gamot, apat na common cancer screening para sa YAKAP `

2/18/26, 12:52 PM
Ni Samantha Faith Flores
May 75 pang gamot at screening test para sa apat sa pinaka-kariwang uri ng cancer sa Pilipinas ang idinagdag na ibibigay ng libre sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ay ibinalita ni PhilHealth spokesperson at senior vice president Dr. Israel Francis A. Pargas sa isang panayam sa telebisyon nitong Miyerkules (Peb. 18).
Ayon kay Pargas mula sa 20 uri ng mga gamot, tumaas na sa 75 ang maaaring makuha sa ilalim ng YAKAP.
Karagdagang 54 pang mga medisina sa ilalim ng GAMOT component ang maaaring makuha ng mga benepisaryo.
“Pero in-expand na po natin ito ngayon to include another 54 drugs iyong tinatawag nating GAMOT at naman po ay libre rin pero may limitasyon na around PhP20,000 per person per year,” paliwanag ng PhilHealth official.
Sa regular na YAKAP package, ang mga miyembro ay makakakuha ng libreng konsultasyon, 13 laboratory tests at 20 uri ng gamot.
Ngunit bukod sa mga karagdagang gamot, magkakaroon na rin ng libreng cancer screening para sa apat na karaniwang sakit na cancer na dumadapo sa mga Filipino.
“Iyon pong breast cancer, so mayroon tayong libreng chest mammography atsaka po chest, breast ultrasound,” paliwanag ni Pargas.
Para naman sa liver cancer, may libreng Alpha fetoprotein at para sa lung cancer, magkakaroon ng libreng low-dose CT scan.
Ang ikaapat na cancer ay colorectal.
“Para po sa colorectal cancer is iyon pong libreng colonscopy screening,”sinabi ni Pargas.
