SCIENCE AND MEDICINE
Parang nalulunod kapag nakahiga? Malamang heart failure iyan

Ni Samantha Faith Flores
Sintomas ng pagpalya ng puso o heart failure at hindi pagod o stress lamang ang nangyayari kapag nakararamdam ng tila nalulunod habang nakahiga.
Ito ang sinabi ng Philippine Heart Association nitong Lunes (March 30) bilang pagbabala sa publiko, higit ang mga kababaihan, sa mga sintomas ng heart failure.
Ang pakiramdam na pagkalunod habang nakahiga ay tinatawag na orthopnea, ayon sa mga espesyalista sa puso.
Kadalasan kinakailangan munang magtaas ng upper body ang isang tao sa pamamgitan ng pagdagdag ng maraming unan upang gumaan ang paghinga.
Nagsagawa ng Women’s Heart Month online forum ang PHA upang bigyan n dagdag na kaalaman ang mga kababaihan ukol sa pag-aalaga ng sarili upang makaiwas sa pagpalya o paghina ng puso.
Ayon kay Dr. Lauren Kay Galindez, kasapi ng PHA Council on Heart Failure, hindi magkapareho ang heart failure at heart attack.
Ang heart failure ay nangyayari kapag ang puso ay hindi makapagbomba o makapag-relax ng maayos samantalang sudden blockage naman ang dahilan ng heart attack.
“Sa babae po, iyong hingal kasabayna parang nalulunod kapag nakahiga,” paliwanag ni Galindez tungkol sa heart failure.
Ang iba pang sintomas ng heart failure ay tinatawag na paroxysmal nocturnal dyspnea of biglang paggising sa kalagitnaan ng tulog dahil sa hirap na paghinga.
Pagpalya rin ng puso ang nangyayari kapag hindi makahinga habang nagtatali ng sapatos o kaya ay madalas na pagmamanas o edema na hindi agad nawawala.
