

ENTERTAINMENT
Val Kilmer ng “Top Gun” at “Batman Forever” pumanaw sa edad na 65

Photo from bandera.inquirer.net
4/2/25, 6:55 AM
Yumao ang batikang aktor na si Val Kilmer, kilala bilang Batman sa 1995 Batman Forever at si Tom “Iceman” Kazansky sa dalawang pelikula ng matagumpay na Top Gun ni Tom Cruise.
Ang kanyang pagpanaw nitong Miyerkules (Abril 2) ay ibinalita sa The New York Times ng kanyang anak na si Mercedes Kilmer.
Bagamat nakaligtas sa throat cancer na nadiskubre noong 2014, si Kilmer ay namatay sanhi ng pneumonia, ayon kay Mercedes.
Matagal nang hindi nagpakita sa publiko si Kilmer ngunit nagkaroon siya ng maigsi at madamdaming eksena kay Tom Cruise sa pelikulang Top Gun 2 na ipinalabas noong 2022.
Sa top grosser film na Top Gun, mahigpit na katunggali ni Cruise bilang si Maverick si Iceman sa pagkamit ng top gun honors bilang pinakamahusay na piloto sa klase ng US naval aviators.
Bago niya balikan ang big screen sa Top Gun 2, si Val ay naging usap-usapan nang magdesisyon ito na hindi na muna magpakita sa mga tagahanga dahil sa pakikipaglaban niya sa cancer.
Ang huli niyang public appearance ay Hunyo 2019 sa TwaintMania Foundation. Kasama niya dito ang anak na si Jack.
Ipinanganak sa Los Angeles, California noon 1959, si Kilmer ay kinilala bilang pinakabatang natanggap sa Julliard SChool’s Drama Group. Dito niya sinanay ang sarili sa pag-aartista.
Nagka-break siya sa pelikulang Top Secret noong 1984. Naging lead role naman siya sa 1991 film ni Oliver Stone na “The Doors” tungkol sa buhay ng lead singer na si Jim Morrison.
Naging asawa niya ang aktres na si Joanne Whalley na kanyang nakasama sa pelikulang “Willow”. Nagkaroon sila ng dalawang anak - si Mercedes at Jack - at nag-diborsyo noong 1996.
