

ENTERTAINMENT
Unang apat na opisyal na entry ng MMFF 2025, inanunsyo na
.webp)
Photo from bandera.inquirer.net
7/30/25, 11:07 AM
Inanunsyo ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang unang apat na opisyal na entry para sa taunang film festival na ipapalabas sa mga sinehan sa buong bansa simula Disyembre 25.
Ayon sa pahayag ng MMFF nitong Miyerkules, ang unang batch ng mga pelikula ay napili batay sa kanilang isinumiteng script, representasyon ng iba’t ibang genre, at pagpapakita ng “kreatibidad at kahusayan ng mga Pilipinong filmmaker.”
Kabilang sa unang apat na entry ang “Call Me Mother” na idinirehe ni Jun Robles at pinagbibidahan nina Vice Ganda at Nadine Lustre; at “Rekonek” na idinirehe ni Jade Castro, tampok sina Carmina Villaroel, Gloria Diaz, Alexa Miro, Gerald Anderson, at Zoren Legaspi.
Kasama rin sa mga napiling pelikula ang “Manila’s Finest” na idinirehe ni Rae Red at pinagbibidahan ni Piolo Pascual; at “Shake, Rattle, and Roll: Evil Origins” na idinirehe nina Shugo Praico, Joey De Guzman, at Ian Loreños, at tampok ang mga artista tulad nina Ivana Alawi, Fyang Smith, at Loisa Andalio, kasama pa ang iba.
Inanunsyo ang unang batch ng mga entry sa grand launch ng ika-51 edisyon ng MMFF na ginanap sa Glorietta Palm Drive Activity Center sa Makati City noong Martes.
Sa naturang okasyon, sinabi ni MMFF at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando “Don” Artes na ang mainit na pagtanggap ng publiko sa ginanap na golden jubilee ng MMFF noong nakaraang taon ay naglatag ng mataas na pamantayan para sa kasalukuyang edisyon ng festival.
“Nangangako kami ng mas kapana-panabik at mas nakaka-engganyong karanasan para sa mga filmmaker at manonood sa ika-51 edisyon ng MMFF. Sa pag-anunsyo ng unang batch ng entries, ihanda na ang inyong sarili sa isang kapanapanabik na paglalakbay sa mundo ng pelikulang Pilipino ngayong Disyembre,” ayon kay Artes.
Umabot sa kabuuang 23 pelikula ang isinumite para sa MMFF ngayong taon.
“Ang MMFF ay labis na natuwa sa dami ng natanggap nitong entries. Patuloy ang aming pagtatalaga ng plataporma para sa mga lokal na filmmaker upang makipag-ugnayan sa mas malawak na manonood. Ang MMFF 51 ay simula ng isang bagong yugto para sa pelikulang Pilipino,” dagdag pa ni Artes.
Pinamumunuan ni Boots Anson-Rodrigo ang MMFF Selection Committee na siyang tumatasa sa bawat pelikula batay sa artistic excellence, commercial appeal, Filipino cultural sensibility, at global appeal.
Ang unang batch ay bahagi ng walong opisyal na entry sa ika-51 MMFF. Ang natitirang apat ay pipiliin mula sa mga kumpletong pelikula na may deadline ng pagsusumite sa Setyembre 15.
Ang kita mula sa MMFF ay napupunta sa iba’t ibang benepisyaryo sa industriya ng pelikula gaya ng Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund), Film Academy of the Philippines, Motion Picture Anti-Film Piracy Council, Optical Media Board, at Film Development Council of the Philippines (FDCP).
