

ENTERTAINMENT
Singson hindi pabor sa pagsali ng mga transgender women sa Miss Universe

Photo from bandera.inquirer.net
4/23/24, 11:38 AM
Umalma si dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson sa pagsali ng mga transgender woman sa taunang Miss Universe pageant.
Dati nang inalok sa negosyanteng dating pulitiko ang prankisa ng Miss Universe ngunit inayawan niya ito dahil hindi umano sapat ang kikitain ng nito bilang negosyo kung ikukumpara sa pagod at perang ipupuhunan niya.
Bagamat ito ang kanyang pasya, pinondohan pa rin ni Singson ang pag-hostingng Pilipinas sa pageant noong 2016.
Nang makapanayam kamakailan lamang ng mga entertainment editors, game na game na sinagot ni Singson ang tanong ukol sa kanyang opinyon tungkol sa pagsali ng mga transgender women bilangmga kandidata sa Miss Universe.
Ipinaliwanag niya na ang pagsali ng mga transgender ay direktang lumalabag sa pinaka pundasyon ng nasabing beauty pageant.
“Kaya nga ‘Miss:” ang nakalagay sa Miss Universe beauty contest, tapos hahaluan ng iba,” sinabi ni Singson sa mga kasapi ng Society of Philippine Entertainment Editors.
Ang prankisa ng Miss Universe ay kasalukuyang pag-aari ni Anne Jakrajutatip, isang negosyanteng Thai at isang transwoman.
Matatandaang noong 2023, dalawang transgender na kandidata ang lumaban sa paligsahan ng ganda at talino.
