

ENTERTAINMENT
Neil Diamond, 84, muling nagpahanga; nag-perform ng nakaupo dahil sa Parkinson’s

Photo from bandera.inquirer.net
7/22/25, 7:30 AM
Sa edad na 84 at dumaranas ng nakapanghihinang Parkinson’s Disease, sinorpresa ng sikat na 70’s singing sensation Neil Diamond ang mga tagahanga, karamihan mga senior citizens, sa kanyang pagbalik sa entablado kamakailan lamang.
Napaindak at naghiyawan sa saya ang mga fans na lubhang nagulat dahil sa ipinakitang sigla ni Diamond nang kantahin niya ang hit song na “Sweet Caroline” sa Pantages Theater noon Hulyo 12.
Pitong taon na ang nakaraan nang magpaalam si Diamond para mag-retiro dahil sa lumulubhang sakit na Parkinson’s Disease.
Sa kanyang “The Neil Diamond Musical: A Beauitiful Noise” na itinanghal sa harap ng mga tagahangang pumuno sa venue, tila hindi nahalata ang panginginig ng katawan na sintomas ng sakit ng isang Rock and Roll Hall of Fame inductee na tulad niya.
Sa Instagram video ng produksyon, ito ang kanilang isinulat: “A moment we’ll never forget.”
Hindi inalintana ng audience na hindi na makatayo si Diamond. Patuloy silang naki-sing along at naghiyawan sa saya habang kumakanta ang octogenarian singer.
Bukod sa “Sweet Caroline” kasama ang “Song Sung Blue”, “I am …I Said”, “Holly Holy” at “Cracklin’ Rosie” sa mga awitin ni Neil na nakapagbenta ng higit sa 130 milyon plaka simula 1969.
Si Diamond ay pinangalanan sa Songwriters Hall of Fame noong 1984 at Rock and Roll Hall Fame noong 2011. Pinarangalan din siya ng isang Grammy LIfetime Achievement Award noong 2018.
