

ENTERTAINMENT
Nadia Montenegro hindi nag-resign, pinag-leave lamang ayon sa tanggapan ni Sen. Padilla

Photo from bandera.inquirer.net
8/15/25, 3:12 PM
Ni Samantha Faith Flores
Hindi pa nagbitiw sa katungkulan ang aktres na si Nadia Montenegro bilang political officer ni Sen. Robin Padilla na sumasailalim sa imbestigasyon sa paggamit umano ng marijuana sa loob ng gusali ng Senado.
Napag-alaman din na pinayuhan ang aktres ni Rudolf Philip Jurado, chief of staff ng senador, na sumailalim sa drug test sa harap ng akusasyon.
Ngunit inaasahan naman na bibigyan si Nadia ng direktiba ng Office of the Sergeant-At-Arms upang magpa-drugtest.
Nilinaw ni Jurado sa ABS-CBN news na hindi totoo ang mga napabalita sa social media na nag-resign na si Nadia o tinanggal na ni Padilla.
Ayon kay Jurado hinihintay din ng kanilang tanggapan ang paliwanag ni Montenegro ukol sa akusasyon na humitit siya ng marijuana sa loob ng ladies comfort room sa Senado.
Inamin ni Jurado na inatasan si Montenegro na pansamantalang magbakasyon matapos ang insidente.
Binigyan din ang aktres nang limang araw o hanggang Agosto 19 upang magbigay ng paliwanag sa OSAA na nagsimula nang magimbestiga sa alegasyon.
Ang tanggapan ni Padilla ay nagsasagawa rin ng sarili nitong imbestigasyon tungkol sa insidente
