top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

ENTERTAINMENT

Muling pagpapalabas ng dalawang premyadong pelikula ni Nora Aunor suportado ng MTRCB

Photo from bandera.inquirer.net

4/25/25, 7:04 AM

Ni Samantha Faith Flores


Inendorso sa pamilyang Pilipino ng Movie and Television Review and Classification Board ang muling pagpapalabas ng dalawang multi-awarded films ng yumaong Superstar na si Nora Aunor.

Napagpasiyahan ng MTRCB na bigyan ng PG rating ang mga pelikulang “Tatlong Taong Walang Diyos” at “Tatlong Ina, Isang Anak” na pinagbidahan ng Pambansang Alagad ng Sining na namatay kamakailan lamang.

Ayon sa MTRCB na pinangungunahan ni Chairperson Lala Sotto-Antonio, ang muling pagpapalabas ng mga nasabing pelikula ay malaking pagpaparangal at pagpapakita ng paghanga ng mga Filipino kay Nora na nakilala ring si Ate Guy.

“Ang ating Superstar na si Bb. Nora Aunor ay hindi lamang isang pambansang yaman kundi ay sumisimbolo sa tagumpay ng industriya ng pelikula ng Pilipinas,” sabi Sotto-Antonio, panganay na anak ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Dagdag ng MTRCB chief: “Tayo sa MTRCB ay masaya na mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang klasikong pelikula ng yumaong superstar, na makatitiyak na ligtas itong panoorin ng mga manonood anuman ang edad.”

Hinihikayat ng board ang mga magulang sa ilalim ng PG na gabayan ang mga batang manonood at magkaroon ng pag-uusap sa mga bata tungkol sa tema ng pelikula.

Ang 1976 wartime drama na “Tatlong Taong Walang Diyos” mula sa direksyon ni Mario O’Hara ay nakatanggap ng mataas na pagtanggap noon mula sa mga kritiko nito at kinokonsidera bilang isa sa pinakamahusay na pelikulang Pilipino.

Habang ang “Tatlong Ina, Isang Anak” (1987) ay tungkol sa kwento ng pagiging isang ina sa katauhan ng tatlong babae na pinagtagpo ng pagmamahal at pagsasakripisyo.

Sa inisyatibo ng ABS-CBN Film Restoration Project (Sagip Pelikula), nagsisilbing pagkilala, parangal, at papuri ang mga pelikulang ito kay Bb. Nora Aunor, kung saan ang kanyang buhay at talento ay nag-iwan ng kasaysayan sa kultura at sining ng Pilipinas.

bottom of page