top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

ENTERTAINMENT

Maricel Soriano umaming kanya ang condo unit sa PDEA document

Photo from bandera.inquirer.net

5/8/24, 5:33 AM

Inamin ni Maricel Soriano na dati niyang pag-aari ang kontrobersyal na condominium unit na sangkot sa umano'y leaked documents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), pero iginiit niyang hindi siya gumagamit ng illegal na droga.

Humarap si Maricel sa pagpapatuloy ng Senate hearing ukol sa kumakalat na PDEA document na nagsasabing kasama raw umano niya si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa paggamit ng cocaine sa loob ng isang condo unit sa Makati City.

Itinanong sa kaniya ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs chairperson Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang tungkol sa naturang dokumento.

"May property ka ba sa Rockwell? Ikaw ba ang nagmamay-ari ng unit 46-C Rizal Tower sa Rockwell, Barangay Poblacion, Makati City?" tanong ni Dela Rosa kay Soriano sa hearing.

"Opo. Hanggang 2012 po, nabenta ko na ho 'yun. Wala na ako dun," sagot ng aktres.

Dahil dito, humihingi si Dela Rosa ng kopya ng deed of sale ng unit at nangako naman si Maricel na isusumite niya ito sa Senate committee.

Sa nasabing pagdinig, itinanggi rin ni Maricel ang lumabas na ulat na tumakas ang dalawa niyang dating kasambahay sa nasabing condo matapos umano silang bugbugin ng aktres.

Ipinunto ni Dela Rosa ang napaunang ulat na nagsampa ang mga ito laban kay Maricel ng kasong serious physical injuries at sinabing gumagamit umano ito ng cocaine.

"Hindi po totoo 'yan," giit ng aktres.

Sinabi ni Soriano na nagnakaw umano sa kaniya ang naturang dalawang kasambahay.

Batay sa sinasabing leaked PDEA pre-operation report na may petsang March 11, 2012, nakasaad na "a group of showbiz and politically affluent personalities are frequently using illegal drugs" sa loob ng isang condominium sa Makati City.

Nang tanungin naman ng media si Marcos hinggil sa isyu nitong Lunes, pagtawa lamang ang kaniyang naging sagot.

bottom of page