

ENTERTAINMENT
Manay Lolit Solis pumanaw na sa edad na 78

Photo from bandera.inquirer.net
7/4/25, 8:32 AM
Ni Samantha Faith Flores
Matapos ang mahabang pakikipaghamok sa sakit sa bato, pumanaw na ang batikang talent manager at entertainment columnist na si Lolit Solis. Siya ay 78 anyos.
Ang paglisan ni Solis ay kinumpirma ng kanyang anak si Sneezy Solis McDonald, nitong umaga ng Biyeres (Hulyo 4).
Bagamat kidney illness ang matagal nang karamdaman ni Lolit, atake sa puso umano ang kanyang ikinamatay.
“Our beloved Manay Lolit Solis has peacefully joined her Creator last July 3, 2025. Manay Lolit leaves behind a loving family and many friends who will always cherish her memory,” ayon naman sa FB post ni Gorgy Rula, matalik na kaibigan ni Solis.
Dagdag ni Gorgy: “We remember Manay Lolit as a feisty and staunch loyal supporter, manager and friend. We love you our dearest Manay, you will forever be in our hearts.”
Nagsimula si Solis sa news media bilang isang police beat reporter. Ngunit hindi nagtagal ay pinasok nito ang entertainment journalism kung saan siya sumikat dahil sa kanyang kahusayan.
Marami siyang naging exclusive na balita at naisulat na mga kinagiliwan, at minsan ay kinamuhiang, mga intriga sa showbusiness.
Dahil dito nabigyan din si Lolit ng mga programa sa telebisyon. Kilala rin si Solis bilang high school classmate ni Eat Bulaga host Joey de Leon.
Ang kanyang popularidad bilang entertainment columnist ang naging pases niya upang maging manager ng maraming mga sumikat na artista.
Kasama sa mga naging kliyente ni Soli sina Gabby Concepcion at Tonton Gutierrez. Sa mga aktres, naging sikat rin ang mga hinawakan niyang sina Ruffa Gutierrez, Nanette Medved, Lorna Tolentino at dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
