

ENTERTAINMENT
Lea Salonga kauna-unahang Pinoy na pararangalan sa Hollywood Walk of Fame

Photo from www.pinoyparazzi.net
7/3/25, 8:21 AM
Ni Raselle Joyce Flores
Pararangalan bilang kauna-unahang Filipino na tatanggap ng star sa Hollywood Walk of Fame si Lea Salonga.
Ang multi-awarded singer at aktres ay hinangaan sa world stage dahil sa husay niyang umawit at umarte, higit sa pamosong Miss Saigon.
Pasisinayaan ang espasyo ni Lea sa Hollywood sa darating na taon. Makakasama niya dsa Walk of Fame’s Class of 2026 ang 34 pang mga entertainment icons sa iba’t-ibang parte ng mundo.
Ang ilan sa kanila ay sina Miley Cyrus, Rami Malek, Emily Blunt, Demi Moor, Josh Groban, basketball icon Shaquille O’Neal; Keith David, Air Supply, Sarah Michelle Gellar, Marion Cotillard at si Molly Ringwald.
Si Salonga ang tanging tatanggap ng karangalan mula sa kategoryang Live Theatre/live Performance.
Ang Walk of Fame’s Class of 2026 ay pinili ng Hollywood Chamber of Commerce Walk of Fame panel mula sa daan-daang nominasyon.
Nominado si Salonga ng Manila International Film Festival na siya ring naunang magbalita ng panalo.
“From Broadway to Disney to the global concert stage, lea has been a trailblazer and a voice for generations,” sinabi ng MIFF. “her impact on the world of music, theater and film is undeniable - and her legacy continues to open doors for countless Filipino and Asian artists worldwide.”
Bagamat kaisa-isang Filipino na makakamit ng nasabing karangalan, tatlong lalaking celebrities sa Hollywood na may dugong Filipino ang nauna nang nakasama sa Walk of Fame. Sila ay sina singer-songwriter Bruno Mars, rapper Apl.de.ap at comedian na si Rob Schneider.