

ENTERTAINMENT
Kris Aquino patuloy na lumalaban sa lumalalang sakit

Photo from bandera.inquirer.net
8/12/25, 10:37 AM
Ni Raselle Joyce Sabado
Anim na buwang isasailalim si Kris Aquino sa preventive isolation upang maiwasan ang dumaragdag na dami ng autoimmune diseases at iba pang nakamamatay na sakit.
Ito ay ipinahayag mismo ng sikat aktres sa kanyang kalalabas na Instagram post.
Ayon kay Kris nahihirapan siyang makatulog gabi-gabi dahil sa dumaraming auto-immune diseases.
Malungkot niyang ibinalita sa mga kaanak, kaibigan at tagahanga na pumapasok rin sa kanyang isipan ang pagkabahala na wala nang darating pang umaga sa kanya.
Ayon sa bunsong anak ng namayapa nang dating Pangulong Corazon C. Aquino, sa kasalukuyan siyang nakatira sa isang private beach resort. Dalawang buwan na rin siyang pumipirmi dito sa pag-asang gagaling na rin siya.
“My almost two months stay in this private beach property owned by a kind and generous family who want me to regain my health as well as strengthen my faith in God's healing power, I came to a decision - I have another 6-8 hr infusion session in six days , one of the strongest autoimmune immunosuppresants together with my two other, 1 taken daily and 1 given via injection will totally wipe out my immunity… I will be in preventive isolation for 6 months," isinulat ni Kris sa social media.
Inaasahang maninirahan siya sa compound ng Aquino family sa Tarlac.
Pinasalamatan din ni Kris ang kanyang mga anak na sina Josh at Bimby, na matiyagang nag-aalaga sa kanya simula noong lumala ang kanyang kalagayan.
Nakiusap siya ng patuloy na dasal sa kanyang mga tagasuporta.
