

ENTERTAINMENT
Joey de Leon kumambyo sa banat, di raw inaaway 'It's Showtime'
.jpg)
Photo from bandera.inquirer.net
4/20/24, 7:54 AM
Nilinaw ni Joey de Leon na hindi "It's Showtime" ang pinatutungkulan niya nang sabihing handa siyang lumuhod kung aabot ang programa nito ng 15 years.
Pinagpyestahan sa social media ang banat na 'yan ni Joey, lalo pa't magdiriwang ng ika-15 anibersaryo ang "It's Showtime" sa Oktubre 24.
Nag-post sa Instagram si Joey nitong Biyernes, Abril 19, para linawin na hindi ang karibal na noontime show hosted by Vice Ganda ang pinatatamaan niya.
"Unang-una, hindi namin kaaway ang 'It’s Showtime.' 'Yung 'Showtime,' matagal na naming kapitbahay 'yon. Hindi rin nila kami tinitira. Hindi namin sila tinitira," paliwanag ng TV host.
"Ang pinapatungkulan namin ni Tito (Sotto) noong nagalit kami sa 'Eat Bulaga,' eh 'yung mga nagpo-post sa social media, 'yung mga nagpo-programa. Kaya hinamon ko, 15 years kung tatagal 'yung mga nagpo-post na 'yon. Hindi iyon 'Showtime!'"
Binati pa ni Joey ng happy 15th anniversary ang noontime show na umeere na rin ngayon sa GMA Network — bukod sa GTV at A2Z — na dekada ring naging tahanan ng "Eat Bulaga."
"Mahal namin ang 'Showtime' dahil kasabayan namin. Dadalawa na lang kami. Huwag nyo kaming pagsabungin. Magkakaibigan po kami," dagdag pa niya.
Tiniyak din ni Joey na handa pa rin siyang lumuhod kapag umabot sa 15 years ang mga tsismosong may programa sa social media at mga nagpapakalat ng fake news sa online world.
Inis na pinagsabihan ni Joey ang mga ito na aniya'y nagpapakalat ng maling impormasyon na bangkarote na raw ang EB.
