

ENTERTAINMENT
Jackie Chan, 70, nawalan ng malay sa shooting ng fight scene

Photo from bandera.inquirer.net
10/4/24, 2:54 AM
Nawalan ng malay ang martial arts legend na si Jackie Chan habang nagsu-shoot ng isang fight scene para sa kanyang bagong pelikula.
Sa ulat ng CNA Lifestyle, nag-collapse ang batikang aktor matapos i-headlock ng isang lalaki sa set ng "Panda Plan."
Binitiwan ng lalaki si Chan habang mabilis na tumakbo ang mga staff papunta sa 70-anyos na aktor upang tulungan siya.
Habang sinusuri ng mga staff, hindi agad nagpakita ng reaksyon si Chan at tila wala siyang kamalay-malay sa nangyari.
Nang ipinaalam sa kanya na nawalan siya ng malay, ikinagulat ito ni Chan at sinabi na marahil nangyari iyon dahil nahirapan siyang huminga sa eksena.
Sa isang panayam, nilinaw naman ng aktor na maayos na ang kanyang kalagayan at isinagawa muli ang eksena matapos niyang magpahinga.
"It's not a big deal, I need to assure everyone else [that I'm fine] otherwise they would want me to use a stunt double," ani Chan.
"If I just sit there while they use a stunt double, and they just film my close-ups after he's done, I would feel very guilty!" dagdag pa nito.
Sa higit anim na dekada ng kanyang karera, lumabas si Chan sa mahigit 150 pelikula kabilang ang "Rush Hour" series, "Drunken Master," "Police Story," at "The Karate Kid."
