

ENTERTAINMENT
Hajji Alejandro, sumunod na rin kay Pilita at Nora, sa edad na 70

Photo from bandera.inquirer.net
4/22/25, 12:13 PM
Ni Samantha Faith Flores
Nababalot ng lungkot ang local entertainment industry matapos na pumanaw si Hajji Alejandro, ang OPM legend na tinaguriang “kilabot ng mga kolehiyala” na sumikat noong dekada 70’s hanggang 80’s.
Namatay sa edad na 70 si Hajji na ikatlo sa tatlong haligi ng industriya ng musika sa bansa na pumanaw.
Una rito, namaalam noong Abril 12 si Pilita Corrales na kilala bilang Asia’s Queen of Songs”.
Sumunod naman ang isa sa pinakamamahal ng madla sa Philippine entertainment na si Superstar Nora Aunor. Namatay siya noong Abril 16.
Ginapi si Alejandro ng sakit na colon cancer na kanyang nilabanan ng matagal-tagal na panahon. Pumanaw siya noong Lunes (Abril 21).
Si Alejandro ay isa sa mga miyembro ng Circus Band na itinatag at sumikat noong 1970’s. Kasama sa grupo sina OPM icon Basil Valdez; Tillie Moreno, Pabs Dadivas, Richard Tan, Pat Castillo at Jacqui Magno bilang vocalist's ng kinagiliwang grupo.
Ayon kay Alynna Velasquez, partner ni Hajji sa loob ng 27 taon, umayaw na si Hajji sa patuloy na pagpapa-ospital at pinili nitong makapiling na lamang ang pamilya sa nalalabing mga araw ng kanyang buhay.
Ang sikat na singer na si Rachel Alejandro, isa sa mga anak ni Hajji, ang nakiusap kay Alynna na samahan ang pamilya upang mapasaya ang pamamaalam ng ama.
Bukod kay Rachel ang iba pang mga anak ni Hajji ay sina chef Barni Alejandro at Ali Diaz Alejandro, drummer ng bandang Mojofly.
