ENTERTAINMENT
Geneva Cruz, 49, nakatapos ng kolehiyo matapos ang 39 taon sa showbiz
.jpg)
3/14/26, 11:15 AM
Ni Annietha Faye Mar
Hindi ininda ni singer-actress Geneva Cruz ang pagiging abala sa maraming bagay makatapos lamang sa pag-aaral na 33 taon niyang binuno.
Sa edad na 49, lubos na ikinatuwa ni Geneva na sa wakas ay makatatapos na siya ng pinapangarap niyang degree sa kolehiyo, isang bagay na hindi naabot ng katulad niyang maagang napasabak sa showbiz limelight.
“As I approach my golden age in less than a month, I realize that some of my dreas are coming true. Thirty-three years in the making, but I finally did it!” ang tuwang-tuwang post niya sa kanyang Facebook page.
Kasama sa post ang isang litrato ni Geneva na nakasuot ng graduation toga ng Philippine Christian University.
Mula sa angkan ng Cruz na kilalang mahuhusay sa musika, nagsimula pasukin ni Geneva ang showbiz nang kunin siya sa grupong Smokey Mountain noong siya ay nasa elementarya pa lamang.
Sa tulong ng sikat na kompositor na si Ryan Cayabyab, nahasa ng husto ang husay ni Geneva sa pagkanta at kalaunan ay pumailanglang ang kanyang pangalan sa showbiz.
“Look ma, I’m now a college graduate!!!” ayon sa kanyang post.
Inialay niya sa kanyang kabataan ang tagumpay na natamo.
“This is for nine year old Gen, who had to grow up fast and work hard after choosing to become a young mom. Thank you for being brave and for finally learning to love yourself,” sinabi niya.
