

ENTERTAINMENT
Fil-Am pop star Olivia Rodrigo hindi nagpabayad sa hit concert “Guts” Philippines

Photo from bandera.inquirer.net
10/7/24, 3:59 AM
Hindi tumanggap kahit isang kusing ang Filipino-American pop star na si Olivia Rodrigo sa matagumpay niyang “Guts” World Tour-Manila Leg noong Sabado.
Ipinamalas ni Rodrigo, 21, ang angkin niyang pusong Filipino nang nagpasya itong ipamahagi na lamang ang kanyang kinita sa concert para sa mga proyektong magpapabuti ng kalusugan at buhay ng mga kababaihan sa Pilipinas.
Sa kanyang Instagram, binanggit ng sikat ng American pop singer na nais niyang itulong ang kanyang kita sa mga kababaihan na nakatira sa “underserved and conflict-affected areas” sa Pilipinas.
“I’m so stoked that all the net ticket sales from last night could be donated to @jhpiego through my fund 4 good,” sinabi ni Olivia.
Isang Filipino ang ama ni Olivia na si Chris Rodrigo at isa naman Amerikana ang kanyang inang si Jennifer.
“I am part Filipina on my dad’s side of the family. My Filipino heritage comes from my great-grandfather. He came on a boat from the Philippines when he was just a teenager,” buong pagmamalaking sinabi ni Oliva sa isang interview matapos mag-hit ang kanyang kantang “Driver’s License.”
Bagamat hindi mga musikero, sina Chris at Jennifer ang naging inspirasyon ni Rodrigo sa kanyang mga composition at mga kantang naging ticket niya upang magwagi ng tatlong Grammy awards noong 2022.
Habang nasa Pilipinas para sa kanyang world tour series concert, dumalaw si Olivia sa headquarters ng @jhpiego at natuwa sa kanyang nasaksihang pagtulong ng non-government organization para sa kalusugan ng mga kababaihan, higit ang mga kabataan.
“It was the most special show and the most meaningful trip. To say zI’m grateful doesn’t even cut it! Mahal kita,” pahayag ng batang composer-singer.
Sold out ang kanyang “Gut’s Philippine concert tickets at lalong humanga ang mga umi-idolo kay Olivia dahil sa ipinakita niyang pagmamahal sa mga Pilipino.
