

ENTERTAINMENT
Donny Pangilinan nagpaabot ng tulong sa mga biktima ni 'Kristine'

Photo from bandera.inquirer.net
10/26/24, 6:52 AM
Personal na inihatid ng aktor na si Donny Pangilinan ang kahon-kahong relief goods sa non-government organization na Angat Buhay bilang suporta sa mga naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Sa mga larawang ibinahagi ng Angat Buhay sa official Facebook page nito, makikita si Pangilinan na iniaabot ang mga donasyon sa main office nito sa Quezon City.
"Heartfelt thanks to Donny Pangilinan for personally delivering relief goods at the Angat Buhay office," sabi ng Angat Buhay sa kanilang post.
"Maraming salamat sa walang sawang pakikipagbayanihan, Donny," dagdag pa nito.
Si Donny ay pamangkin ni dating Senador Kiko Pangilinan, na kilalang kaalyado ni dating Vice President at Angat Buhay founder Leni Robredo.
Ang Bagyong Kristine, na nagdulot ng malawakang pinsala at nag-iwan ng libu-libong tao na nangangailangan ng agarang tulong, ay pangunahing nakaapekto sa malaking bahagi ng Luzon at Eastern Visayas.
Inaasahang lalabas ito sa Philippine Area of Responsibility ngayong Biyernes.
Ito na ang ika-11 bagyo sa bansa ngayong taon.
