top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

ENTERTAINMENT

Desisyon ng Sotto-led MTRCB sa “The Rapists of Pepsi Paloma” inaabangan

Photo from bandera.inquirer.net

1/13/25, 10:09 AM

Ni Samantha Faith Flores

Inaabangan ng marami ang magiging desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pagpapalabas ng kontrobersiyal na pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma”.

Ito ay dahil sa ang MTRCB ay pinamumunuan ni Chairperson Diorella Maria “Lala” G. Sotto-Antonio, pamangkin ng aktor na si Vic Sotto na nagsampa ng demanda laban sa gumawa ng pelikula na si Direktor Daryll Yap.

Bagamat pinayagan umano ng MTRCB na ipalabas ang teaser ng pelikula, hindi pa naman ito nabibigyan ng rating ng ahensya.

Sakaling bigyan ng “X” rating ang palabas, mapipilitan si Yap na linisin ito ng mga tinututulang eksena. Puwede rin siyang humiling ng isa pang review setting.

Dahil sa nakakagulat na trailer, marami na agad ang nasasabik na mapanood ang pelikula bagamat marami rin ang nangangamba sa pagiging makatotohanan nito ayon sa tunay na mga nangyari noong 1982 nang magsampa si Pepsi ng rape case laban kay Vic, Joey de Leon at ang yumao nang komedyante na si Richie D’Horsie.

Si Paloma (Delia Smith sa tunay na buhay) ay nagpatiwakal tatlong taon matapos na tuldukan ng korte sa Quezon City ang kaso dahil sa out-of-court settlement ng mga partido.

Dahil sa umanong mapanirang trailer, kinasuhan ni Sotto ng 19 counts ng cyberlibel si Yap. Nagsabi rin ito na hihingi siya ng danyos na PHP35 milyon mula sa direktor.

Bukod dito, pinakiusapan ng sikat na aktor sa pamamagitanng petition for Writ of Habeas Data ang Regional Trial Court Branch 205 ng Muntinlupa City na ipatigil ang pagpapalabas ng trailer. Ito ay agad kinatigan ng korte.

Ayon kay Yap, dokumentado ang lahat ng pinagbasehan ng pelikula at hindi lamang “gawa-gawa para makapanira.”

Itinanggi niyang may halong malisya ang kanyang paggawa ng pelikula na umanoy naglahad lamang ng pangyayari noong 1982.

“Nasa caption din po ng post na inurong ang kaso. Hindi po tayo nagkulang,” paliwanag niya.

Dagdag niya: “Malaya naman po ang kahit na sino magsampa ng kaso gaya po ng naisampang rape case noon ni Pepsi Paloma laban sa kanya na siya pong natatanging laman ng teaser.”

bottom of page