

ENTERTAINMENT
Chito Miranda sa pagkakaaresto ng asawa: “Never nanloko si Neri”

Photo from bandera.inquirer.net
11/27/24, 12:54 PM
Idineklara ni Parokya ni Edgar vocalist Chito Miranda na walang nilokong tao ang asawang si Neri Narig-Miranda na inaresto at nahaharap sa non-bailable na kaso na large scale estafa at securities violation.
“Sobrang bait po ni Neri.. as in sooobra. Eto yung babaeng kinulong ninyo without bail, habang nakalaya pa yung mga tunay na may kasalanan,” pahayag ni Miranda sa kanyang Instagram post nitong Miyerkules (Nobyemre 27).
Kinumpirma ng PNP Southern Police District na inaresto ng kanilang mga operatiba ang isang alias Erin sa isang mall sa Pasay City noong Nobyembre 23.
Si Erin na kinilalang si Neri Narig-Miranda ay pinaglabas ng korte ng warrant of arrest matapos na makasuhan siya ng 14 counts ng paglabag sa Securities Regulation Code Section 28.
Ang warrant of arrest para sa securities fraud ay inilabas ni Regional Trial Court Judge Gina Bibat Palamos ng Pasay City May piyansang PHP126,000 para sa nasabing kaso para sa pansamantalang kalayaan ng dating aktres.
Isa naman warrant of arrest ang inisyu ni RTC Judge Ronaldo August L. Tan ng RTC Branch 112 sa Pasay City. Walang piyansa inilagay para dito.
Iniuugnay sa mga kaso ang pagkumbida ni Narig-Miranda sa mga fans na dumalo sa 15th PHILSME Business Expo sa SMX Convention.
Ipinaliwanag ni Chito na endorser lamang ang asawa at walang kinalaman sa operasyon ng mga negosyanteng nasa likod ng umanoy negosyong lumalabas sa mga batas.
“Never nanloko si Neri, at never sya nalamang sa kapwa,” ayon sa sikat na band vocalist.
Sinabi ni Miranda na hindi alam ng asawa ang mga kasong isinampa sa kanya kaya hindi ito nakapag-harap ng depensa sa piskalya bago maisampa sa korte ang mga demanda.
