

ENTERTAINMENT
Beteranong aktor Ricky Davao pumanaw na sa edad na 63

Photo from bandera.inquirer.net
5/2/25, 10:20 AM
Ni Samantha Faith Flores
Pumanaw na dahil umano sa sakit na cancer ang beteranong aktor na si Ricky Davao. Siya ay 63 anyos.
Si Davao ay manugang ni Asia’s Queen of Songs Pilita Corrales na namatay may ilang araw pa lamang ang nakakaraan. Kasal siya kay Jacky Lou Blanco, isa sa dalawang anak ni Pilita.
Wala pang opisyal na pahayag ang pamilya ni Ricky ngunit sa Facebook post ng Viva Entertainment, kinumpirma nito ang pagkamatay ng aktor.
“Pahinga ka na, Sir Ricky,” sinabi sa Facebook post ng Viva.
Ayon sa ulat, dinapuan ng malubhang sakit na cancer si Davao noong 2024. Ang kanyang kalagayan noong ay hindi isinapubliko ng kanyang pamilya.
Anak siya ng mahusay na character actor na si Charlie Davao, Ang tunay na pangalan niya ay Charles Caballes Davao.
Nagsimula si Davao bilang isang dancer bago nadiskubre ang kagalingan niyang umarte.
Pinasok din niya ang stage acting at gumanap sa ilang musical plays.
Hiwalay na sila ng kanyang pinakasalang si Jackie Lou. Mayroon silang tatlong anak.
