

ENTERTAINMENT
Barbie Hsu, gumanap na Shancai sa Meteor Garden, pumanaw sa edad na 48

Photo from bandera.inquirer.net
2/3/25, 6:01 AM
Ni Anna Mae Rosario
Pumanaw na si Barbie Hsu ang hinangaang bituin ng 2001 TV series Meteor Garden, dahil sa kumplikasyon dulot ng pneumonia.
Sa edad na 48 namatay si Barbie habang nagbabakasyon sa Japan nitong Linggo lamang (Pebrero 2).
Umani ng napakaraming kabataang tagahanga mula sa Indonesia, Thailand at Pilipinas, si Barbie ang gumanap na si Shancai sa popular na TV series.
Ang Meteor Garden ay nai-dub sa maraming lengwahe matapos mapansin ng mga producers ang lakas nito sa mga kabataan.
Ang pagpanaw ni Barbie ay kinumpirma ng kanyang kapatid na si Dee Hsu sa TVBS News ng Taiwan noong Lunes (Pebrero 3).
“During the Lunar New Year, our family came to Japan for vacation. May dearest sister Barbie has unfortunately left us after getting pneumonia, trigggered by an influenza,” ayon sa pahayag ni Dee.
Dagdag ni Dee: “I’m thankful to be her sister in this lifetime, taking care of each other… I will always be grateful to her and remember her.”
Ipinamahagi sa local media ng Taiwan ang pahayag ni Dee.
Bago pa kumpirmahin ang balita ng kamatayan ni Barbie, kumalat na sa social media sa Taiwan ang pagpanaw ng isang sikat na artista na may edad na 48-anyos.
Libo-libong tagahanga ni Barbie ang nalungkot at patuloy nagluluksa sa nangyari sa kanya.
Sinimulan ni Hsu ang kanyang show busienss career sa edad na 17 anyos nang lumabas sila ni Dee bilang pop duet.
Sumikat agad ang dalawa bilang hosts ng mga programa sa telebisyon at entablado dahil sa kanilang husay magpatawa.
Sa Meteor Garden, si Barbie ay si Shancai na bagamat hindi galing sa mayamang pamilya ay nakapag-enroll sa isang private school para sa mga anak ng mayayaman.
Dito siya naging love interest ng mga tagapagmana ng mayayamang pamilya na kinabibilangan ng mga miyembro ng sikat na Taiwanese boyband F4.
Ang TV ay hango sa Japanese manga na sumikat noong 1990s.
