SENIOR CITIZENS NEWS OF THE DAY
Suporta ni Tulfo sa Universal Social Pension bill malabnaw na?
.jpg)
Photo from journal.com.ph
3/20/26, 10:15 AM
Ni Ralph Cedric Edralin
Malaking pangamba sa magiging desisyon ng Senado para sa panukalang Universal Social Pension ng mga senior citizens ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit isinusulong ang “Isang Milyong Lagda para sa Matatanda” signature drive.
Hindi umano kampante ang ilang lider ng signature campaign na magiging tapat si Sen. Erwin Tulfo sa kanyang pangakong suporta sa apat na Universal Social Pension bills sa Senado.
Si Tulfo ang tagapangulo ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development kung saan nakabinbin ang mga bills.
Sina Senador Jinggoy Estrada, Risa Hontiveros, Camille Villar at Mark Villar ang may akda ng mga bill na inihain noong magsimula ang 20th Congress Hulyo, 2025.
“Wala na kaming balita mula sa komite simula noong magpatawag ng unang hearing si Sen. Tulfo maraming buwan na ang nakararaan,” ayon sa source na nakiusap na huwag pangalanan.
Matatandaang hindi kumilos sa nasabing komite ang katulad na Universal Social Pension bill noong lumipas na 19th Congress.
Si Sen. Imee Marcos, nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,. ang committee chairman noon. Siya ay pinalitan ni Tulfo sa 20th Congress.
Sa kabila ng malakas na suporta para sa panukalang batas mula sa sektor ng senior citizens, nagtengang kawali si Sen Marcos ay isang beses lamang nagsagawa ng hearing.
“Isa ito sa matinding dahilan kung bakit nangangalap tayo ng isang milyong lagda ng mga sumusuporta sa bill ;para mabigyan ng buwanang pensyon ang lahat ng mga senior citizens,” ayon sa source.
Sa Mababang Kapulungan agad inaksyunan ng Committee on Senior Citizens ang 29 na Universal Social Pension bills na inihain ng may 40 kongresista.
Sa pangunguna ni United Seniors Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay, agarang ipinasa ng Committee on Senior Citizens ang bill na nagpapanukala ng PhP1,000 kada buwan na pensyon sa lahat ng nakatatandang Pilipino.
Subalit noong Pebrero, nagpasya ang komite na bawiin pansamantala ang consolidated bill na ipinadala sa Committee on Appropriations, upang itakda muna sa PhP500 ang buwanang pensyon na ipamimigay sa mga senior citizens.
Ayon kay Magsaysay, mahalagang liitan muna ang hinihinging pensyon upang makaya ng pamahalaan ang badyet na kakailanganin sa implementasyon sa oras na ito ay maging batas.
Inaasahan ni Magsaysay na dahil sa malakas na suporta hindi lamang mula sa sektor ng senior citizens, hihigit pa sa isang milyon ang makakalap na lagda para sa agarang pagsasabatas ng USP bill.
