SENIOR CITIZENS NEWS OF THE DAY
Senior citizen patay sa sunog sa QC

Photo from Knights Fire and Rescue Volunteers Inc.
2/17/26, 11:33 AM
Ni Emily Sabado
Nasawi ang isang 62-anyos na senior citizen nang hindi ito makalabas sa loob ng isang nasusunog na bahay sa Quezon City madaling araw ng Martes (Peb. 17).
Ayon sa paunang pahayag ng arson investigators, ang lalaking biktima ay nasa ikatlong palapag ng bahay nang sumiklab ang sunog bandang alas-5 ng umaga sa sa isang residential area sa Barangay Baesa.
Naitakbo kaagad siya ng mga rescuers sa isang malapit na ospital kung saan siya agad ginamot.
Ngunit namatay rin ang lalaki dahil sa matinding mga paso na kanyang tinamo.
Sinabi ng mga manggagamot na ang biktima ay nagkaroon ng first degree burns at nakalanghap ng usok.
Ayon naman sa Bureau of Fire Protection, ang sunog ay umabot pa sa ikalawang alarma at tinupok ang malaking bahagi ng nasunog na bahay.
Naideklarang under control ang sunog eksaktong 6:02 ng umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon, napagalaman na nagsimula ang apoy sa ika-apat na palapag ng bahay.
Hindi pa natutukoy ang sanhi ng sunog.
