SENIOR CITIZENS NEWS OF THE DAY
Paghihigpit sa pagkuha ng social pension ng indigent senior citizens, ano ang dahilan?

4/8/26, 12:30 PM
Ni Annietha Fae Mar
Pinaigting ng pamahalaan ang agarang pag-isyu ng national ID para sa mga senior citizens na benepisaryo ng Social Pension Program for Indigent Senior Citizens.
Ito ay dahil ggayong Abril sisimulan ang paghihigpit sa pag-beripika ng pagkakakilanlan ng mga benepisaryo ng social pension program na nagbibigay ng PhP1,000 kada buwan para sa mga kwalipikadong naghihirap na nakatatandang Filipino.
Ang mga benepisaryo ay dapat magpakita ng national ID bago nila matanggap ang kanilang buwanang pensyon.
Ngunit pansamantala munang papayagan ng Department of Social Welfare and Development na magpakita ng valid secondary IDs ang mga senior citizens na hindi pa nakakakuha ng national ID.
Nagbukas na ng mga national ID units ang ilang mga lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga nakatatandang hindi pa rin nakakakuha ng kanilang national ID.
Sa direktiba ng DSWD lilimitahan na sa national ID lamang ang dokumentong kikilalanin para sa pagtanggap ng benepisyo sa social pension program.
Lubhang marami sa halos apat na milyon nakatatandang Filipino na benepisaryo ng program ang wala pa rin national ID.
Sa isang balita ng Philippine Information Agency, napag-alaman na ang direktibang ito ng DSWD ay naglalayong gawing sentro ng pag-berika ng pagkatao ang Philippine Identification System.
Ayon sa bagong patakaran, ang mga pensiyonadong indigent seniors ay dapat magpakita ng PhilSys National ID o anumang dokumento na magpapakita ng kanilang PhilSys number tuwing may social pension payout.
“This aims to ensure that every social pension has a National ID for fasteer and efficient service,” ayon sa DSWD.
Sinabi naman ng sources na ang direktiba ng DSWD ay naglalayon din maiwasan ang anomalya o scam kung saan mabibiktima ang pamahalaan o ang mga senior citizens mismo.
