

PDP-Laban dumulog sa SC ng manual recount ng 2025 senatorial elections

PDP-Laban dumulog sa SC ng manual recount ng 2025 senatorial elections
6/23/25, 7:31 AM
Umapela kahapon sa Korte Suprema ang mga abogado ng PDP-Laban upang manawagan ng manual recount sa katatapos lamang na senatorial elections.
Sa Facebook post ni abogado Israelito Torreon, sinabi ng manananggol na inihain nila ni abogado Jimmy Bondoc ang mosyon kaugnay sa nakaraang 2025 midterm elections.
“Tuloy po ang laban ng PDP-Laban upang magkaroon ng malinis na halalan para sa ating bayan,” diin ni Torreon.
Dagdag niya: “Back in the Supreme Court, fighting the good fight against electoral anomalies. Prayers appreciated.”
Hindi naman nabanggit kung pormal na protesta ang inihain nina Torreon at Bondoc sa Korte Suprema. Hindi rin malaman kung lahat ng natalong PDP-Laban ay kasama sa kanilang ipinag-lalaban.
Sa regular na takbo ng mga electoral protest, dapat ihain sa Senate Electoral Tribunal (SET) ang anumang protesta laban sa nai-proklamang kandidato sa pagka-senador.
Si Bondoc na dating kilalang mang-aawit ay sumali sa senatorial race, kasama ang mga kandidatong in-endorso ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakapiit sa The Hague.
Ang sampung bets ng mga Duterte ay tinawag na “DuterTEN”.
Bigong makasama sa 12 na-proklamang panalo sa senatorial election si Bondoc.
Ang ilan sa mga pro-Duterte candidates na uupo bilang senador sa darating na 20th Congress ay sina Senador Bong Go, Ronald “Bato” de la Rosa, Imee Marcos at Rep. Rodante Marcoleta.