

Lamat sa Visayan bloc sa Kamara lumawak dahil sa Romualdez-Benitez speakership fight

Lamat sa Visayan bloc sa Kamara lumawak dahil sa Romualdez-Benitez speakership fight
6/9/25, 7:20 AM
Hindi na umano solid ang tinaguriang maimpluwensyang Visayan bloc sa Kamara de Representante dahil sa napipintong mahigpit na paglalaban sa speakership nina Speaker Martin Romualdez at balik-Kongreso na si Bacolod City Rep. Alfredo “Albee” Benitez.
Ito ay napag-alaman matapos na maglabas ng pahayag si Deputy Speaker Duke Frasco ng Cebu na nagsabing hindi na niya pinirmahan ang umiikot na manifesto of support para sa pagpapatuloy ng liderato ni Romualdez sa Kamara.
Si Romualdez at Benitez na parehong galing sa Visayas region ay maglalaban umano sa pagka-speaker pagbukas ng 20th Congress sa darating na Hulyo. Ang matatalo sa kanila ang tatanghaling minority leader.
Si Romualdez ay pinsan buo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang si Benitez naman ay kababata ng presidente dahil siya ay anak ng yumao nang Secretary Jolly Benitez na nakilalang malapit sa mga Marcoses.
Halos 12 taon na naging lider ng Visayan bloc si Benitez bago niya sumandaling lisanin ang grupo matapos ang kanyang tatlong termino bilang mambabatas. Itinatag niya ang malaking grupong ito na kinabibilangan ng mga Visayan-speaking congressmen.
Ang pahayag ni Frasco na hindi na ito sasama sa kampo ng Romualdez ang umanoy hudyat na kay Benitez siya susuporta.
Ayon sa kanya bigo ang kasalukuyang liderato ng Kamara upang pagkaisahin ang mga mamamayan upang maisakatuparan ang minimithing pagbabago sa pamamahala.
Ito umano ang sinabi sa kanya ng mga lokal na lider mula sa Visayas and Mindanao, kasama ang kanyang mga ka-distrito.
“A shared frustration has emerged. There is deep disappointment that the unity our people once hoped for has been steadily undermined by political and personal interests,” paliwanag ni Frasco sa kanyang pahayag.
“Our duty as public servants is not to advance individual interests, but to serve the Filipino people. And as the President himself has said, the people have spoken, and they expect results, not politics,” diin ng Cebuano solon.
Si Romualdez ay interesado umano tumakbo bilang pangulo sa 2028. Marami ang naniniwala na si Vice President Sara Duterte ang kanyang makakalaban.
Ang umanong planong ito ng speaker ang naging dahilan kung bakit kumilos ang Kamara sa pag-atake at kalaunan na pagsulong ng impeachment laban kay Duterte.