

Korte Suprema kinatigan Comelec ruling sa isyu ng liderato ng Partido Federal

Korte Suprema kinatigan Comelec ruling sa isyu ng liderato ng Partido Federal
8/22/25, 10:09 AM
Pinagtibay ng Korte Suprema (KS) ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na kumikilala sa 2022 Konstitusyon at By-Laws ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), na nagtatakda ng tatlong taong termino para sa mga pambansang opisyal nito.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh, ipinasiya ng Supreme Court en Banc na sina Leandro Verceles, Jr. at Antonio Rodriguez, Jr. ay hindi balidong nahalal bilang mga opisyal ng PFP sa pulong na ginanap noong Disyembre 14, 2023.
Ang PFP ay isang partidong politikal na rehistrado sa COMELEC. Nagkaroon ng sigalot sa pamunuan ng partido sa pagitan ng dalawang grupo—ang pangkat ni Verceles at ang pangkat ni Reynaldo Tamayo, Jr.
Nanumpa bilang PFP President, Secretary General, at General Counsel sina Tamayo, Thompson Lantion, at George Briones noong Setyembre 18, 2021. Ayon sa 2022 Konstitusyon at By-Laws ng partido, ang kanilang termino ay tatlong taon.
Iginiit ng kampo ni Verceles na natapos na ang termino ng mga opisyal noong Setyembre 2023 batay sa 2018 Konstitusyon at By-Laws, na nagtatakda ng dalawang taong termino. Dahil dito, nagsagawa sila ng pulong noong Disyembre 14, 2023, kung saan nahalal sina Verceles at Rodriguez bilang PFP President at Secretary General.
Ngunit iginigiit ng kampo ni Tamayo na nananatiling balido ang kanilang termino hanggang 2024 alinsunod sa 2022 Konstitusyon at By-Laws. Anila, walang bisa ang pulong noong Disyembre 14 dahil wala itong tamang abiso at kinakailangang quorum, sapagkat siyam lamang ang dumalo at walang ipinadalang opisyal na paabiso. Kaya’t iginiit nila na hindi balidong nahalal sina Verceles at Rodriguez.
Dahil dito, naghain ng petisyon ang grupo ni Verceles sa COMELEC upang resolbahin ang usapin. Pinaboran ng COMELEC ang panig ni Tamayo at kinumpirmang napalitan na ang 2018 Konstitusyon ng bersyon noong 2022. Naisumite umano ito nang maayos noong Abril 11, 2022 para sa pambansa at lokal na halalan, at walang naitalang pagtutol o alternatibong bersyon na inihain.
Pinagtibay ng Korte Suprema ang pasya ng COMELEC, at iginiit na ang 2022 Konstitusyon at By-Laws ang opisyal at pangunahing dokumento ng PFP. Binigyang-diin din nito na sina Verceles at Rodriguez ay mga nakaupong opisyal nang maisumite ang 2022 na dokumento, at hindi sila tumutol o kinuwestyon ang awtoridad ng grupo ni Tamayo upang magsumite nito.
Binanggit ng korte na suportado ng matibay na ebidensiya ang mga natuklasan ng COMELEC at may bisa ang presumption of regularity sa kanilang mga opisyal na aksyon. Tinukoy din ng Korte Suprema ang Artikulo XVII, Seksyon 2 ng 2022 PFP Konstitusyon at By-Laws, na malinaw na nagtatakda ng tatlong taong termino para sa mga pambansang opisyal. Dahil dito, nananatiling lehitimong opisyal ng PFP sina Tamayo, Lantion, at Briones hanggang 2024.
Pinagtibay din ng mga mahistrado ang desisyon ng COMELEC na walang bisa ang halalan noong Disyembre 14, 2023 na isinagawa ng grupo ni Verceles dahil sa kakulangan ng tamang abiso, quorum, at awtoridad.
Hindi ito ipinatawag ng kasalukuyang Secretary General at hindi nakasunod sa mga probisyon ng Konstitusyon ng partido. Dahil dito, walang bisa sa batas ang naturang halalan.
