top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

Gadon nagdududa; Leonen suking ‘ponente’ sa mga kasong Marcos

Gadon nagdududa; Leonen suking ‘ponente’ sa mga kasong Marcos

7/26/25, 10:44 AM

Nagpahayag ng pagdududa si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon sa pagpili ng Korte Suprema kay Senior Associate Justice Marvic Leonen bilang ponente ng petisyon laban sa kasong impeachment na inihain sa Senate impeachment court.

“Nakapagtataka! Why is it that Leonen always gets to be ponente on all Marcos cases. That the BBM protest was raffled to him TWICE is something anomalous,” ayon kay Gadon.

Bilang ponente, si Leonen ang pangunahing miyembro ng Korte Suprema na nagbigay ng kanyang opinyon tungkol sa petisyon ni Bise Presidente Sara Duterte laban sa kasong impeachment na isinampa sa kanya ng Mababang Kapulungan.

Sa botong 13-0, idineklara ng tribunal na labag sa Saligang Batas ang reklamo ng mga kongresista kung kaya walang hurisdiksyon ang Senado na dingging at magdesisyon dito.

Si Leonen ang nagsulat ng desisyon bagamat lahat ng mga dumalo sa deliberasyon ng kaso ay pumabor sa kanyang opinyon.

Ngunit nilagyan ni Gadon ng pagdududa ang pagiging patas ng desisyon dahil umano sa si Leonen at ang 12 pang mahistrado ay pawang mga itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ama ng pangalawang pangulo.

Napagalaman ng Senior Times na si Leonen ay appointee ng yumao nang si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

“Marvic Leonen, the ponente, is a rabid anti-Marcos. he was also the ponente in the BBM protest which took six years to be decided and the Motion for Reconsideration was unresolved,” ayon kay Gadon.

Bukod dito, si Leonen din ang ponente sa kasong isinampa ni Gadon upang ipatigil ang planong pagbubukas ng ABS-CBN na ipinasara noong panahon ni Duterte bilang pangulo.

Hindi naman nasabi ni Gadon kung ano ang kaugnayan ni Marcos sa impeachment gayong nagpahayag siya na hindi siya nakikialam sa kaso at mas makabubuting hindi na ituloy ito.

“When I was suspended on a flimsy ground , it was also Leonen,” diin ni Gadon, na tinaggalan ng Korte Suprema ng lisensya bilang abogado.

Sinabi ni Gadon na paghihiganti ang motibo ni Leonen sa panggigipit sa kanya.

Ipinaalala ng tagapayo ni Marcos na sinampahan niya noon ng kasong impeachment si Leonen.

Walang makitang paraan ang Senior Times upang alamin ang katwiran ni Leonen sa akusasyon ng tagapayo ni Marcos.

bottom of page