top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

POLITICS

De Venecia, pinakamatagal na speaker ng bansa, pumanaw sa edad 89

Photo from Kami

2/10/26, 8:25 AM

Pumanaw sa edad na 89 ang dating Speaker Jose De Venecia Jr. nitong Martes (Pebrero 10), ayon sa anunsyo ng kanyang pamilya.

Kilala sa palayaw na JDV o Manong Joe, si De Venecia ay limang beses namuno ng Kamara de Representante at kinilala bilang tagapagtaguyod ng overseas employment na lubhang nakatulong sa milyon-milyong pamilyang Pilipino at nagpaunlad ng ekonomya ng bansa.

Sa pamamagitan ng itinatag niyang “Rainbow Coalition” na pagkakaisa ng iba’t-ibang partidong politikal sa Kamara, nahalal at nagsilbi siya ng apat na buong termino noong ika-9, 10, 12 at 13 Kongreso.

Nahalal siya sa ikalimang termino noong 2007 -2008 ngunit hindi na pinatapos ng mga kasamahan dahil sa kanyang naging hidwaan noon kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na dati niyang malapit na kaalyado.

Sa pagkumpirma ng pagpanaw ng dating speaker, sinabi ng kanyang pamilya:
“As we mourn his passing, we give thanks for a life that helped shape the Philippine republic and for a legacy that endures in our laws, our institutions and our continuing pursuit of peace.”

Agad dumagsa ang mga pahayag ng kalungkutan at pakikiramay mula sa mga lider ng bansa, kasama sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating Speaker Martin Romualdez, Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Isa si De Venecia sa mga nagtatag ng Lakas-NUCD na naging pinakamalaking partido politikal sa bansa at nakapagpa-upo ng dalawang pangulo sina Arroyo at pumanaw nang si dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Tumakbo rin siya bilang presidente noong 1998 ngunit natalo kay dating Pangulong Joseph Estrada.

Matapos maglingkod sa Kamara noong 2010, nilisan ni De Venecia ang pulitika. Siya ay itinalaga bilang special envoy for the Asia-Pacific Economic Cooperation ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.

Ang ilan sa mga naipasang mga mahahalagang batas na kanyang inakda ay ang mga sumusunod: Dollar Remittance Program, Bases Conversion and Development Act, Build-Operate-Transfer Law, Philippine Economic Zone Act at ang New Central Bank Act.

Naiwan niya ang kanyang asawa, Rep. Gina De Venecia at kanilang anak na si Christopher, dating representante ng ika-4 na distrito ng Pangasinan. Ang liba pa niyang mga anak at kani-kaniyang asawa ay sina: Vivian at Dennis Garcia; Joey at Karen de Venecia; Sandra at Mark Haner; Leslie Norton, Carissa at Lulu Evangelista at Philip Cruz.

bottom of page