

Away pulitika nagpapatuloy sa Makati: Binay vs Binay

Away pulitika nagpapatuloy sa Makati: Binay vs Binay
7/10/25, 10:46 AM
Patuloy ang away pulitika ng magkapatid na sina dating Makati City Mayor Abby Binay Campos at kasalukuyang Mayor Nancy Binay.
Ito ay matapos na magpahayag ng paniniwala si Mayor Abby na sinisiraan siya ng kapatid tungkol sa mga katanungan sa likod ng implementasyon ng Makati Subway Project System.
Kamakailan lamang, nagpahayag ng pagkabahala si Mayor Nancy tungkol sa transaction kung saan gagastos umano ang siyudad ng PhP8.96 bilyon para sa private partner nito na Philippine InfraDev Holdings Inc.
Ayon sa dating senadora may hinalang nagkaroon ng “midnight settlement” sa nasabing transaksiyon sa ilalim ng kapatid sapagkat ito ay nangyari pitong araw bago bumaba si Mayor Abby sa puwesto.
Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes (Hulyo 10) idiniin ng dating alkalde na may sapat na pondo ang pamahalaang lungsod upang bayaran ang $160 milyon award na tinatayang ibibigay ng Singapore International Arbitration Centre sa Infradev. Ito ay kayang bayaran nang walang magiging kabawasan sa mga benepisyo ng mga residente ng lungsod.
“Talagang iniisip kong mabuti, ano bang mapapala kung ilalabas ito? Kasi kung tutuusin, puwede naman i-withdraw nila iyung settlement agreement na hindi nila kailangan ilabas because technically confidential nga iyong negotiations. It is really para siraan ako,” ayon kay Abby.
Tumakbo ang dating alkalde sa pagka-senador ngunit hindi pinalad na makasama sa 12 nagwaging senador.
Si Nancy naman ay bumaba na sa Senado matapos ang kanyang dalawang termino at tumakbo bilang kapalit ng kapatid sa Makati City.
Nagharap sa mayoralty race si Nancy at ang asawa ni Abby na si dating Rep. Luis Campos.
