

Abante proklamado na bilang kongresista sa gitna ng nakabinbing SC petition

Abante proklamado na bilang kongresista sa gitna ng nakabinbing SC petition
7/8/25, 5:14 AM
Iprinoklama bilang ng Manila board of canvassers si re-electionist Bienvenido Abante bilang kinatawan ng ika-6 na distrito ng lungsod sa kabila ng pagsampa ng nakalabang si Joey Uy ng petisyon sa Korte Suprema.
Ito ay matapos na magpasya ang Commission on Elections en banc na ipawalang bisa ang kandidatura ni Uy sa nasabing pwesto dahil umano sa isyu laban sa kanyang citizenship.
Dumulog si Uy sa Korte Suprema upang ipatigil ang proklamasyon at isawalang bisa ang desisyon ng Comelec ngunit hindi na nakapag-pasya ang mga mahistrado ng korte.
Bagamat talo si Abante sa bilangan ng boto noong nakaraang Mayo 12, siya pa rin ang hinirang na uupo sa 20th Congress sa Mababang Kapulungan dahil sa pag-diskwalipika kay Uy.
Daan-daang taga-supporta ni Abante ang nagtungo sa Comelec-Manila field office upang masaksihan ang pagkapanalo ng kanilang kandidato
“Sa wakas, nanaig ang sinasabi ng batas,”
ang deklarasyon ng nagwaging kandidato.
Kinondena ng kampo ni Uy bilang isang hindi makatarungan at hindi sang-ayon sa Konstitusyon ang naging pasya ng Comelec.
Iginiit ni Edward Gialogo, abogado ni Uy, na wala na sa hurisdiksyon ng Comelec ang isyu sapagkat si Uy ay nai-proklama na at nagsimula nang gumanap ng kanyang tungkulin bilang kongresista noong ganap na alas-dose ng tanghali nitong Hunyo 30.
Dalawang kaso ang isinampa ng Uy camp sa Supreme Court - isang petition for certiorari at prohibisyon upang ipahinto ang desisyon ng Comelec at isang mandamus na mag-uutos sa Kamara na kilalanin si Uy bilang kinatawan ng ika-6 na distrito ng Maynila.
