

FAITH AND RELIGION
Cardinal David, kilalang kalaban ng kawalan ng hustisya, may pag-asa rin maging Pope

Ni Samantha Faith Flores
4/22/25, 12:58 PM
Kasama si Cardinal Pablo Virgilio S. David ng Archdiocese ng Kalookan sa listahan ng mga may pag-asang hahalili sa yumaong si Pope Francis si Cardinal Pablo Virgilio S. David na arsobispo ng Kalookan.
Sasamahan ni David si Cardinal Luis Antonio Tagle na dating arsobispo ng Maynila bilang ialng sa mga piling lider ng simbahang Katoliko na inilista ng international media bilang mga posibleng maging Papa.
Ang 66-anyos na si David, kilala bilang si Cardinal Ambo, ay nagbigay ng matapang na boses sa pagtuligsa sa madugong war on drugs na isinagawa ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas.
Matatag at walang takot niyang umatake sa pagpatay sa higit na 30,000 katao na isinagkot noon ng Duterte administrasyon sa ilegal na droga.
Lumabas sa mga imbestigasyon na marami sa mga pinaslang ay mga musmos, mga bata at mga indibidwal na wala talagang kinalaman sa droga.
Kasama sa mga pinaslang ang 17-anyos na si Kian Lloyd delos Santos na pinatay ng mga pulis Caloocan bagamat ito ay inosenteng estudyante lamang.
HInarap ni David ang maraming banta sa kanyang buhay at mga kasong kriminal upang patahimikin siya sa pagtuligsa kay Duterte.
Si Duterte ay kasalukuyang napipiit sa detention quarters ng International Criminal Court sa The Hague kung saan siya nahaharap sa kasong crimes against humanity dahil sa maraming pagpaslang.
Isa si David sa mga huling itinalaga ni Pope Francis na maging cardinal ng simbahan Katoliko Romano.
Kilala naman si Cardinal “Chito” Tagle, 67, sa pagiging mapagkumbaba at masayahin na katulad ng yumaong Papa. Kilala siya bilang “Asia’s Francis” dahil sa pagiging malapit niya kay Pope Francis.
Katulad ng yumaong pontiff, si Tagle ay nakilala rin sa kanyang katapatan sa pagtulong sa mga mahihirap at sa pagiging magiliw sa mga kabataan.
Bagamat nagkaroon ng kritisismo sa istilo ng pamamalakad niya ng Caritas na pederasyon ng kawanggawang Katoliko, hindi pa rin nawalan ng tiwala si Pope Francis kay Tagle.
Matapos na magbitiw ang Filipino cardinal bilang pangulo ng Caritas agad siyang itinalaga ni Pope Francis upang panguluhan ang bagong tatag na Vatican department for evangelization.
Sakaling maging papa, isa sa kina Tagle at David ang makikilala sa kasaysayan ng Kristiyanismo bilang kauna-unahang papa na galing sa Southeast Asia.