POLITICS
VP Sara nagdeklara ng pagtakbo bilang pangulo sa 2028
.webp)
2/18/26, 10:12 AM
Idineklara ni Bise Presidente Sara Duterte ngayon Miyerkules (Pebrero 18) ang pagtakbo niya bilang pangulo ng bansa sa darating na 2028, sa gitna ng kinakaharap niyang panibagong impeachment complaints sa Kongreso.
“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas,” sinabi ni Duterte sa isang pulong balitaan sa ginanap sa Office of the Vice President sa Mandaluyong city.
“It took me 47 years to understand that my life was never meant to be only mine. Unlike others, I may not have been born just to chase happiness,” ayon sa kanya.
Sa press conference sinabi ni Duterte na ibabalik niya ang “Tapang at Malasakit” na naging tatak ng paglilinjgkod ng kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakapiit sa International Criminal Court sa The Hague.
Diniin ni Duterte na lubha siyang nabahala sa kakulangan ng katapatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahit noong unang mga buwan pa lamang ng kanyang paglilingkod bilang ikawalang pangulo.
Matatandaang sinuportahan ni Duterte ang kandidatura ni Marcos bilang Pangulo noon 2022 at nakipag-partner ito bilang kandidato sa pagka-bise presidente.
Hindi na nagpaunlak sa mga katanungan mula sa media ang pangalawang pinaka-makapangyarihan opisyal sa pamahalaan.
Isang linggo lamang ang nakaraan nang magpalabas ng resulta ng bagong survey ang Social Weather Station na nagsabing si Duterte ang may pinakamataas na satisfaction rate sa lahat ng mga pinakamatataas na opisyal ng bansa, kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa SWS survey na isinagawa noong Nob. 24-30, 2025 , naitala ang +28 net satisfaction rating para sa ikalawang pangulo. Lumalabas ng 54 porsiyento ng mga nasa edad na Filipino ang nasiyahan sa kanyang paglilingkod.
Malayo ang rating ni Duterte kumpara kay Marcos na nagkaroon lamang ng net satisfaction rating na -3. May 40 porsiyento ang kuntento sa kanyang serbisyo.
Bagamat mataas ang kanyang survey results na nagbibigay ng magandang tsansa niyang manalo sa 2028, hindi naman maiisantabi ang epekto sa kanyang popularidad ng impeachment.
Nahaharap din siya sa posibilidad na matanggalan ng karapatang tumakbo sa anumang posisyon sa 28 sakaling magtagumpay ang impeachment laban sa kanya.
