top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

POLITICS

Sandro Marcos pinasibak sa puwesto si Erice dahil sa kritisismo sa pangulo?

3/5/26, 5:45 AM

Nagpakita kamakailan ni presidential son at House Majority Leader Sandro Marcos ang abot ng kanyang kapangyarihan sa Mababang Kapulungan nang ipasibak umano si Caloocan City Rep. Edgar Erice bilang opisyal ng dapat sana ay malayang minority bloc.

Pinalitan si Erice ng kaalyadong si Malayang Liberal Partylist Rep.Leila de Lima bilang senior deputy minority leader matapos na komprontahin ni Marcos ang Caloocan solon.

Hindi ipinaliwanag kung bakit tinanggap ni De Lima ang posisyon na tila nagpapakita sa madla na hawak sa leeg ng Marcos administration ang buong kapulungan.

Sa kanyang privilege speech dalawang araw matapos na bumaba sa puwesto, ikinuwento ni Erice kung paano siya “dinala” ni Eastern Samar at Minority Leader Marcelino Libanan sa tanggapan ni Marcos. Naroon na rin umano si Speaker Faustino Dy III.

Sa harapan sinita umano ng Ilocos Norte solon si Erice tungkol sa kanyang anti-political dynasty speech.

“Ano iyon?” ang galit na pagtaanong ng batang si Marcos.

Pahayag ni Erice sa harap ng mga kasama sa Kamara: “I replied that the anti-political dynasty advocacy has long been one of many advocacies.”

Ngunit hindi umano iyong bill ang tinutukoy na isyu ng majority leader kundi ang pag-atake ng veteran lawmaker sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Hindi iyon. Inaatake mo ang aking ama,” patuloy na paninita ni halos baguhan pa lamang na si Marcos.

Ayon kay Erice ipinaliwanag niya kay Sandro at sa mga pinakamatataas na pinuno ng Kongreso na hindi dapat ikagalit ang kritisismo sapagkat ito ay “makakatulong upang maituwid ang mga pagkakamali kung bukas ang isip ng mga nakikinig.”

Kinondena ng pinababang minority bloc opisyal ang ginawang paninita ni Marcos at hinamon ito na sa plenaryo na lang sila magdebate.

“Ngunit Mr. Speaker bakit kailangan kwestiynin ng isang miyembro ng kapulungan ito ang aking talumpati?” diin ni Erice.

“Kung may mali, kung may kasinungalingan, bakit hindi ako debatihin, dito mismo sa plenaryo?” paghahamon ng solon.

bottom of page