top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

POLITICS

Kamara pinasasagot ng Korte Suprema sa petisyon laban sa impeachment ni VP Sara

4/8/26, 12:00 PM

Dahil sa petisyon ni Vice President Sara Duterte na ipatigil ang impeachment process laban sa kanya, inutusan ng Supreme Court ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na sagutin sa loob ng sampung araw ang hiling ni Duterte.

Nagsampa ang mga abogado ni Duterte ng petisyon para sa Temporary Restraining Order (TRO) o kaya Write of Preliminary Injunction upang pigilin ang Committee on Justice ng Kamara na ituloy ang pag-proseso ng mga reklamong impeachment laban sa kanya.

Iginiit ni Duterte na isang “grave abuse of discretion” ang isinasagawa ng justice committee na pag-impeach sa kanya. Hindi umano nito inobserbahan ang “fundamental requirements of due process” at nilabag ng komite ang sariling “rules of procedures on impeachment.”

“Under the given factual circumstances, the issues raised by the petitioner require the immediate attention of this Honorable Court lest she continues to be subjected to an exercise of grave abuse of authority by respondents HOR and its Committee on Justice through an illegal process,” ayon sa petisyon ni Duterte.

May dalawang petisyon sa Korte Suprema na nagpaparatang na labag sa Konstitusyon ang isinasagawang pagkonsidera ng justice committee sa impeachment complaint laban kay Duterte.

Ang isa dito ay isinampa ni Israelito P. Torreon at iba pang kasamahan nito at ang isa naman ay si Duterte mismo ang petitioner.

Sa isang press briefer, sinabi ng tagapagsalita ng korte na ang Kamara ay binibigyan ng 10 araw upang sagutin ang paratang ng mga nagsampa ng petisyon. Hindi na papayagan ng Korte na pahabain pa ang itinakdang oras para sa pagsagot ng Kongreso.

bottom of page