top of page
Flag.gif
  • Facebook
  • X
  • Instagram

POLITICS

Imee nag-sorry sa yumaong ama sa kakulangan sa ‘pagbantay’ kay BBM

3/31/26, 10:30 AM

Humingi ng tawad si Senadora Imee Marcos sa yumaong amang si Pangulong Ferdinand E. Marcos sa pagkabigo niyang mabantayan ang kapatid, si Pangulong Ferdinand “Bongbong’ Marcos Jr.

Sa isang video post na pinalabas ng kampo ng senadora noong Lunes, binaliktanaw ni Imee ang mga habilin sa kanya ng ama bago ito pumanaw.

Ayon sa kanya sinasabihan siya ng nakatatandang Marcos noon na dapat pagsisihan ang kanyang mga kasalanan at matutong magpatawad o humingi ng tawad sa panahon ng Semana Santa.

Agad naman sumagot si Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na nagpasubali kung sino sa kanilang magkapatid ang dapat bantayan.

“Ang sabi niya ay ‘hindi nabantayan’. Sino kaya talaga ang hindi nabantayan ng magulang at sino ba talaga ang hindi nabantayan ang kapatid?”tanong ni Castro.

SA kanyang video post, sinabi ni Sen. Imee: “Ngayon iniisip ko na ang dapat ihingi ko ng tawad. Sa tatay ko, ihingi ko ng tawad na hindi ko nagampanan iyong utos niya, ‘yung habilin niya, paulit-ulit, hindi lang naman noong tumanda siya at mamamatay na, kundi talaga buong buhay yata namin - parating binibilin si Bongbong.”

Ito umano ang laging bilin ng ama: “Bantayan mo yung kapatid mo.”

“Hindi ko nabantayan eh… Kaya Dad, sinubukan ko talaga, pinagpilitan ko. Nayayamot na nga sa akin si Bongbong. Alam ko naman, Pero hindi ko talaga kinaya,” paliwanag ni Imee sa likod ng kanyang umanoy kabiguan.



Bago pa man maging maging pangulo hanggang ngayon, idinidikit na sa punong ehekutibo ang kanyang umanoy paggamit ng ipinagbabawal na droga.

Maging ang malawakang katiwalian sa pamahalaan, pinagbibintangan din ang pangulo na may kinalaman dito.

Nagpakita ng magkahalong galit at hinagpis si Sen. Marcos nang akusahan niya ang mga nakapaligid sa Pangulo na”humaharang upang mabantayan ang nakababatang kapatid.

“Maraming humanharang, maraming nagbabawal, maraming naninira. Hindi na kami nagkausap nung matagal at hindi ko nababantayan. Kaya nagkulang ako,” sinabi niya.

Dagdag pa ni Imee: “Talagang pinilit ko. Kaya humihingi ako ng tawad. Hindi ko kinaya eh.”

bottom of page